Traffic enforcers, pagsusuotin na ng body camera

Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Posted at Feb 23 2017 08:24 PM

MANILA - Matapos ipasailalim sa training, pinagsuot na rin ng body camera ang mga traffic enforcer ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB), bilang pangontra sa pangongotong at pang-aabuso ng mga motorista.

Sa isang video na ipinakita ng MTPB sa media, mapapanood ang isang driver na nagtaas ng boses sa enforcer, ngunit nagbago ang tono nito nang malamang naka-record ang kanilang usapan.

Huli din daw sa isa pang video ang pagtatangka ng isang driver na magbigay ng kotong, na tinanggihan ng enforcer.

Aabot sa 82 enforcer ang mahigpit na dumaan sa pagsasanay kaugnay sa traffic rules and regulations.

Nitong Enero ay sinimulan na silang i-deploy sa mga lansangan ng Maynila. 

“Dati may nagpapakilalang anak ni general, apo ni mayor...pinapalusot ko dati, natatakot ako kasi totoong may mga tinanggal na ‘pag di pinalusot. Ngayon wala nang ganoon, naka-camera na,” ani Bobby Encio, traffic enforcer ng MTPB.

Bukod dito, may iba pang gamit ang body camera, kaya’t karamihan ng enforcer ay nakapwesto sa matataong lugar tulad ng eskwelahan.

Kaya umano ng body camera na kumuha ng video hanggang 15 metro ang layo. Malawak din ang kuha, kaya’t posibleng mahagip o makunan ang anumang krimen o iba pang pangyayari.

Ayon kay MPTB Director Dennis Alcoreza, may incentive o komisyon din ang mga enforcer kada huli, na aabot sa 20 porsyento ng babayarang multa.

“Kung ang expired na license ay may P2,500 na fee, ibibigay sa city hall, P500 ang mapupunta sa enforcer,” ani Alcoreza.

Kung dati ay nire-record lang nila kada insidente ang mga video, ngayon ay kailngan na ring tuluy-tuloy ang recording ng camera, at papatayin lang ito matapos ang 6 na oras na duty ng mga enforcer.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.