Ilegal na bentahan ng clownfish sa Davao del Sur iimbestigahan

ABS-CBN News

Posted at Feb 22 2020 06:20 PM | Updated as of Feb 22 2020 08:14 PM

Ang mga clownfish ay senyales na sagana pa ang coral reefs sa lugar dahil dito sila naninirahan at kumukuha ng pagkain. Screengrab

STA. CRUZ, Davao del Sur—Iniimbestigahan ng municipal government dito ang ilegal na pagbebenta ng mga clownfish.

Ang mga clownfish ay ibinebenta ng tig-P250 sa isang kainan sa Santa Cruz, batay sa kuwento ni Julian Ajos, ang kumuha sa video na nakarating sa mga kinauukulan. 

"Nature lover ako. I've been doing scuba diving. Tapos maganda kaya mag-scuba diving nang maraming fish. Nabahala ako na hinuhuli nila just to sell. Kawawa, I feel very sad about that," aniya. 

Dumepensa naman ang restoran at sinabing hindi establisimyento nila ang nagbebenta kundi mga batang pumapasok lamang doon. 

Noong Biyernes ay nagpadala na ng sulat ang Sta. Cruz local government sa restoran na ipahinto na ang pagbebenta ng clownfish.

Paliwanag ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Region 11, hindi naman ipinagbabawal ang pagkuha ng clownfish pero kailangan na kumuha ng certificate of aquatic wildlife registration sa kanilang opisina at permit sa LGU para ma-regulate at maproteksyunan ang marine life.

Magsasagawa naman ng imbestigasyon ang municipal fisheries office sa Santa Cruz sa sinasabing ilegal na pagbebenta ng clownfish at hinimok ang publiko na magsumbong.

Ang mga clownfish ay senyales na sagana pa ang coral reefs sa lugar dahil dito sila naninirahan at kumukuha ng pagkain. — Ulat ni Claire Cornelio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.