Higit 50,000 trabaho alok sa isang job fair sa QC

Abner Mercado, ABS-CBN News

Posted at Feb 22 2020 03:48 PM | Updated as of Feb 26 2020 09:53 PM

MAYNILA — Isinagawa nitong Sabado ang isang job fair sa isang unibersidad kung saan nasa 50,000 trabaho ang bukas sa mga sino mang nais mag-apply.

Inorganisa ng New Era University Alumni Association, Inc. ang job fair na ginanap sa College of Management building ng paaralan.

"Marami tayong mga kababayan ang nangangailangan ng trabaho. Malaking tulong ito para sa mga kabayan natin," ani Randy Escolango, deputy commissioner ng Insurance Commission at miyembro din ng alumni association.

Ayon kay Escolango, mayroong 200 kompanyang nakilahok, mula sa mga bangko, hotel, construction, manufacturing, at iba pa. May tsansa din daw ng on-the-spot hiring para sa mga kwalipikadong aplikante.

Isa sa mga sumali sa job fair ang psychology graduate na si Samantha de Ocampo, na 4 trabaho agad ang naaplayan sa job fair.

"Malaking tulong ang ganitong mga job fair para sa aming mga new graduate, kasi karamihan naghahanap ng experience kaya salamat," aniya.

Sabi ni Escolango, posible daw magkaroon muli ng parehong job fair sa mga susunod na linggo dahil sa dami ng lumahok.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.