'Agaw-baril': 2 suspek napatay ng mga police escort sa Misamis Oriental

DJ dela Pena, ABS-CBN News

Posted at Feb 22 2020 05:20 AM

MISAMIS ORIENTAL - Patay sa pamamaril ng mga police escort ang 2 suspek na ihahatid sana sa kulungan Biyernes ng hapon sa highway ng Barangay Sinai, Laguindingan.

Galing sa bayan ng Libertad, Misamis Oriental ang dalawang police vehicle sakay ang mga suspek nang bigla umanong nang-agaw ng baril sa kanilang mga police escort. 

Dahil sa komosyon, rumesponde ang nakasunod na mga police escort at nabaril ang dalawang suspek na sina Richard Manda at Mikee Abellana. 

Ayon naman kay Captain Arlynne Ranario, Chief of Police ng Laguindingan Police Station, inimbestigahan pa kung paano nakapang-agaw ng baril ang dalawa kahit sila ay naka-posas.

Iko-commit sana sa Misamis Oriental Provincial Jail ang dalawa nang mangyari ang insidente. Sila ay sangkot sa shootout sa police checkpoint sa Libertad nitong Lunes na ikinamatay ni Police Staff Sgt. Ronald Caayupan at isa pang suspek na si Jephone Tinamisan.

Kasali ang dalawa sa apat na suspek na target ng manhunt at pursuit operation matapos makatakas sa shootout. Ilang araw silang nagtago bago nahuli ng mga pulis. 

Kinasuhan sila ng murder at frustrated murder, illegal possession of firearms and explosives maging drug charges.

Isa pang suspek ang pinaghahanap ng mga pulis na pinaniniwalaang nagtatago pa sa Libertad hanggang ngayon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.