Kakulangan sa nurses hamon sa universal health care: DOH

ABS-CBN News

Posted at Feb 22 2019 07:43 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inamin ng Department of Health (DOH) na isa sa pinakamalaking hamon na haharapin nila sa pagsasakatuparan ng Universal Healthcare Act ay ang labis na kakulangan sa mga nurse.

Ayon kay DOH Undersecretary Eric Domingo, totoong isa ang under-staffing sa ilang ospital sa mga kailangang plantsahin muna para maging epektibo ang Universal Healthcare Act.

"Ang hihilingin natin sa kanila, magsilbi sa bansa nang tatlong taon para mayroon tayong pool," panawagan ni Domingo.

Idinadaing nila ang pagdami ng mga nurse na Pinoy na pinipiling mangibang bansa para sa mas malaking pasahod at benepisyo.

Hindi naman masisisi ang mga nurse na umaalis lalo't di hamak na malaki ang pagitan sa suweldo sa bansa kumpara sa suweldo sa abroad, base na rin sa datos ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA).

Sa Germany, higit P100,000 ang panimulang sahod, sa Japan ay halos P80,000 at sa Saudi ay halos P60,000 naman. Karamihan pa rito ay libre ang pagkain at tirahan.

HINAING NG MGA NURSE

Nakiusap ang nurse na si alyas "Reggie" na huwag ipakita ang kaniyang mukha dahil sasali siya sa isang strike sa kanilang ospital.

Sobra na raw kasi ang pang-aabuso ng pinagtatrabahuhan niya.

Ayon sa kaniya, kulang sila sa tao at overworked pa, kung minsan ay aabot daw sa 20 oras ang kanilang duty kapag natambakan ng pasyente.

"Iyung trabaho ng dalawa, nagiging trabaho ng isa... Para kaming glorified katulong," aniya.

Kahit 15 taon nang nagtatrabaho, P30,000 pa rin ang sahod ni Reggie. Ang mga bago nilang nurse, mas mababa ang sahod na nasa P11,000.

Kaya minsan, nanghihinayang umano siya na hindi siya nag-abroad.

Ayon sa Filipino Nurses United, maraming ospital ang understaffed dahil sa baba ng sahod at miserableng kondisyon sa mga manggagawa.

"Ako nag-ikot meron pang nurses na P200 a day. Meron pa na trainee. 'Pag trainee walang sahod, wala ring benepisyo," ani Maristela Abenojar, vice president ng grupo.

Pagdating naman sa pasahod, kailangan daw ng batas para maitaas ito.
    
Salary grade 15 o P25,000 ang sahod ng mga nurse sa gobyerno at minimum wage naman sa mga pribado.

Ayon sa Bayan Muna party-list, patuloy nilang isusulong ang kanilang panukalang itaas sa P30,000 ang sahod ng mga nurse dahil hindi ito natugunan ng Universal Health Care law.

"The law lacks the provisions that will address the concerns of nurses and the people," ani Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate.

Hindi raw kasi mapipigilang umalis ng bansa ang mga nurse hangga't hindi naitataas ang kanilang sahod.

Sabi ng DOH, target nila ngayong kumuha ng 26,000 health care workers at 17,000 dito ay mga nurse.

—Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.