Dagdag-benepisyo ng SSS, alok sa taas-kontribusyon

ABS-CBN News

Posted at Feb 22 2018 10:57 PM | Updated as of Nov 05 2019 05:23 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Mas malaking benepisyo para sa mga miyembro ang ngayo'y ipinang-aakit ng Social Security System (SSS) para sa isinusulong nitong dagdag na buwanang kontribusyon.

Nais ng SSS na na taasan ng 1.5 porsiyento hanggang 3 porsiyento ang kontribusyon ng mga miyembro nito.

Sa 3 porsiyentong dagdag, magiging P1,400 ang buwanang kontribusyon ng isang miyembrong sumusuweldo ng P10,000 at kasalukuyang nagbabayad ng P1,100 na kontribusyon.

Kung P15,000 naman ang sinasahod, ang kasalukuyang P1,650 na kontribusyon ay magiging P2,100; kung P20,000 ang suweldo, ang kasalukuyang P1,760 ay magiging P2,840 na buwanang ambag.

Hindi naman malinaw kung paano ito paghahatian ng employer at ng manggagawa, pero ang tiniyak ng SSS, makakaasa sa dagdag-benepisyo kung tataas din ang kontribusyon ng mga miyembro.

Sakaling lumusot ang mas mataas na kontribusyon, ayon sa SSS, ang todong salary loan ngayon na P32,000, magiging P40,000.

Ang sickness benefit na P480 kada araw ay magiging P600 kada araw.

Magiging P40,000 naman ang maternity benefit na kasalukuyang P32,000 para sa normal delivery; P52,000 naman kung ceasarean delivery mula sa kasalukuyang P41,600 na nakukuhang benepisyo.

Pati ang magpepensiyon ay makikinabang din dahil ang minimum na pension na P3,400, magiging P4,100.

Sa minimum-wage earners, may proposal na ring gawing 100 araw ang maternity benefits.

Hindi pa man lumulusot ang dagdag-kontribusyon, tinutulan na ito ng Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP).

Ayon sa grupo, dagdag-pasakit din kasi ito sa mga manggagawang hindi pa nga makaagapay sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo dahil sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN).

“We are not in favor to implement the increase at this time when prices of basic commodities and services have gone up due to the implementation of TRAIN," pahayag ng ALU-TUCP.

Sa ngayon nga lang daw, malaki na ang nabawas sa halagang nagagagamit sa suweldo ng mga kumikita ng minimum wage.

"The purchasing value of P512 in NCR, for example, is now only P357 a day. The situation is worse in provinces. And the government seems not so concerned,” saad ng pahayag.

-- Ulat nina Alvin Elchico at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.