5 sugatan sa pagsabog ng tangke ng tubig sa Bulacan

Raphael Bosano, ABS-CBN News

Posted at Feb 22 2018 09:51 PM | Updated as of Oct 04 2018 10:27 PM

Lima ang sugatan matapos sumabog ang tangke ng tubig ng pagawaan ng pansit bihon sa Sta. Maria, Bulacan nitong Huwebes.

Ayon sa municipal fire department ng Sta. Maria, stable na ang lagay ng limang nasugatan sa kalapit na ospital. 

Pero ang isa sa mga ito, hinihinalang nagtamo ng spinal injury dahil nakadilat ito pero hindi nagre-respond sa kanilang mga tanong. 

Ang iba naman ay nagtamo ng lacerations sa katawan dahil ang sumabog ay isang 20,000 liter overhead tank na katumbas ng nasa apat na fire truck. 

Ayon kay Senior Insp. Jacky Ngina, winewelding umano ang isang bahagi ng tangke na may laman na unfiltered water. Ibig sabihin, hindi ito treated at maaaring may mga chemicals pa. Posible umano itong mag-emit ng gas kapag nag-e-evaporate at maipon sa loob. 

Maaaring spark mula sa welding ang isa sa mga tinitingnang dahilan kung bakit sumabog ang tangke. 

Wala pang pahayag ang pamunuan ng pagawaan ng pansit pero ipinatawag na sila ng BFP. 

Inaalam na rin ng BFP kung nakapagsecure ang mga ito ng hot works clearance dahil kailangan ito kapag nagsasagawa ng welding. 

Labis naman ang pangamba ng mga residente sa paligid. Nanawagan sila na sana'y magdoble ingat ang mga factory lalo na at katabi ng mga ito ang ilang bahay at establisimyento.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.