Lalaking nagkalat umano ng maling balita ukol sa COVID-19 kinasuhan ng NBI

ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2020 03:42 PM | Updated as of Feb 21 2020 08:15 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Kinasuhan ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Biyernes ang isang lalaking nag-upload umano ng video na naglalaman ng mga pekeng impormasyon ukol sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Ang nag-viral na video ay nagsimula sa isa umanong babala ng Department of Health (DOH) ukol sa COVID-19, at nagsasabing may isang Chinese na nangisay sa Ermita bunsod ng naturang sakit. 

Pero pinabulaanan ito ng Manila City Hall. 

Pinatawag ng NBI Cybercrime Division ang uploader na si Zaldy Maguigad. Depensa niya, nadala lang daw siya ng emosyon kaya niya nagawa ang video.

Kasong paglabag sa article 154 ng Cybercrime Prevention Act ang haharapin ni Maguigad.

"Noong bago itong [coronavirus] nag-proliferate itong fake news at nagkaroon ng panic," sabi ni NBI spokesperson Ferdinand Lavin. 

Nanawagan ang NBI sa netizens na huwag basta magkalat ng mga balita na hindi beripikado.

Ayon sa NBI, patuloy pa ang imbestigasyon sa mga nagkakalat ng fake news, at nauna lang si Maguigad na makasuhan.

—Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.