6 anyos na bata patay matapos maipit ng truck sa Sarangani

ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2020 09:06 PM

GLAN, Sarangani - Patay ang isang 6 anyos na batang lalaki matapos mabangga ng truck ang kanilang bahay sa Barangay Upper Kiogam sa bayan na ito Huwebes ng gabi.

Ayon sa Glan Municipal Police Station, papunta sa Barangay Datul Bukal ang truck. Habang binabagtas ang papaaakyat na daan, bigla itong umatras at nagtuloy-tuloy sa bahay ng pamilya ng biktima na nasa gilid ng kalsada.

Natutulog ang pamilya kaya di nila namalayan ang pangyayari. Nabigla na lang sila dahil nawasak na ng truck ang kanilang bahay at naiipit pa ang mga binti ng bata sa gulong ng truck.

Higit isang oras bago nakuha ang bata sa pagkakaipit.

Agad siyang dinala sa pinakamalapit na ospital pero makalipas ang ilang minuto ay binawian din ng buhay.

Hawak na ng pulisya ang driver ng truck na maaaring maharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.

- ulat ni Yen Mangompit, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.