Pinalawig na maternity leave isinabatas

ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2019 12:40 PM | Updated as of Feb 21 2019 10:55 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pirmado na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang nagpapalawig sa maternity leave o bilang ng mga araw na maaaring lumiban ang isang bagong panganak na ina.

Sa ilalim ng nasabing batas ay bibigyan ng 105 araw na paid maternity leave ang lahat ng working mothers sa gobyerno at pribadong sektor. 

Maaari rin itong palawigin ng 30 araw pero ito ay wala nang bayad. 

Mabibigyan naman ng dagdag na 15 araw na paid leave ang mga solo mothers o mga ina na mag-isang nag-aalalaga sa bagong anak. 

Layon ng naturang batas na mapangalagaan ang kondisyon ng mga manganganak na mga empleyado. 

Ikinalugod ni Senador Risa Hontiveros, na isa sa mga principal authors ng batas ang paglagda nito. 

"Now, mothers will have more time to rest from pregnancy. Children will be better fed. Fathers and caregivers can bond and create more lasting memories with their loved ones, as families everywhere receive the greatest gift of all -- time," aniya. 

Nagpaalala naman ang Department of Labor and Employment sa mga employer na ipinagbabawal ang diskriminasyon sa mga kababaihan dahil sa bagong batas.

Ito ay kasunod ng ilang pag-alma na “madedehado” ang kababaihan sa pagsasabatas nito sapagkat maaaring mas piliin ng mga employer na kuhanin ang mga aplikanteng lalaki sa kanilang kompanya. 

“They had initial refusal but eventually they will accept that it's for the good of women workers… When you are a happy employee, you work well,” ani Labor Secretary Silvestre Bello III. 

Ayon naman kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, pananagutin ang mga employer na mapapatunayang magdi-discriminate sa kanilang empleyado. 

-- Ulat nina Joyce Balancio at Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.