7 huli mula sa drug group na 'pinatatakbo ng mag-iina'

ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2019 06:47 PM | Updated as of Feb 21 2019 09:24 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pito umanong miyembro ng isang drug group na pinapatakbo ng mag-iina ang naaresto sa magkakahiwalay na anti-drug operation sa Lucena City sa Quezon mula Pebrero 19 hanggang 20. 

Unang naaresto ang tatlong umano'y tulak sa isang bahay sa Barangay Ibabang Iyam, kabilang ang dating OFW na si Analyn Eusebio, na iginiit na pinakiusapan lang daw siyang magbenta ng droga. 

Ayon sa mga awtoridad, senyales umano na may mabibiling shabu sa bahay tuwing may Christmas lights na umiilaw sa labas nito. 

Nagkaroon naman ng follow-up operation sa Barangay Sabadista sa dalawang iba pang suspek na itinuro ng mga naaresto sa Barangay Ibabang Iyam. 

Sa isa pang follow-up operation, dalawang suspek pa ang naaresto sa Barangay Gulang-Gulang, na kinilalang sina Diosdado Obnamia at Ronan Dela Torre.

Iginiit ni Dela Torre na pinakisuyuan lang siya ng kaniyang kuyang si France - na ayon sa pulis ay nakabilanggo sa kasong ilegal na droga - na kunin ang pera mula kay Obnamia. 

Ayon sa mga awtoridad, kasabwat umano ni Dela Torre at ng kaniyang kuya ang kanilang ina sa pagbebenta ng droga.

"Pag mayroong order, ang kausap 'yung nakakulong then 'yung mother ang may hawak 'pag tinawagan ng anak at saka pa lamang ide-deliver ang shabu,” ayon kay Quezon PNP Provincial Director Senior Superintendent Osmundo De Guzman.

Aabot sa P800,000 halaga ng shabu ang nakumpiska sa mga naaresto. Galing pa umano ng Metro Manila ang mga nakumpiskang droga. 

Pinaghahanap na ngayon ang ina ng magkapatid.

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.