3 tricycle inararo ng AUV na minamaneho ng pulis sa Iloilo

Cherry Palma, ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2019 01:04 PM

Nakatakdang magharap ang pulis at ang punong barangay ng Cagbang para mapag-usapan ang pagpapasaayos sa mga nasirang tricycle patrol vehicle ng barangay. Larawan mula sa Barangay Cagbang

OTON, Iloilo – Tatlong tricycle patrol ng Barangay Cagbang sa nasabing bayan ang inararo ng isang AUV na minamaneho ng isang pulis, Miyerkoles ng gabi.

Sa lakas ng impact, nawasak ang ilang bahagi ng mga tricycle. Wala namang naitalang nasugatan sa insidente.

Naunang rumesponde sa insidente ang ilang barangay tanod at ang punong barangay ng Cagbang na si Ronnel Caso.

Pero imbes na humingi ng pasensiya sa nangyari, minura pa umano sila at tinakot ng baril ng pulis na napag-alamang nakatalaga sa Iloilo Provincial Police Office. 

Dagdag pa ni Caso, amoy alak ang pulis nang mangyari ang insidente.

Agad na nagpa-blotter sa Oton Municipal Police Station si Caso. Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang pulis na hindi pinangalanan. 

Ayon sa imbestigador na si PO3 Axel Beny Esteves, nakatulog daw ang pulis na driver ng AUV. 

Nakatakdang magkita ang magkabilang panig para mapag-usapan ang pagpapaayos sa mga nasirang tricycle.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.