Mga dating pasahero ng MRT, lumipat sa P2P at LRT

ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2018 09:11 PM | Updated as of Sep 18 2019 04:25 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dahil bumagsak kamakailan ang bilang ng mga tren na tumatakbo sa linya ng MRT-3, bumaba rin ang bilang ng mga naisasakay na pasahero. 

Halos wala nang pila nitong Miyerkoles ng umaga sa MRT North Avenue station kahit rush hour.

Mula kasi sa dating 550,000 na pasahero kada araw, nasa 266,000 na lang ang average na naisasakay ng linya nitong Pebrero.

Ang iba ay lumipat sa mga point-to-point bus at LRT-1.

Tumatakbo ang mga point-to-point bus mula North Avenue papuntang Ortigas o Ayala Avenue simula alas-5:30 ng madaling araw hanggang alas-9 ng umaga.

Ayon kay Aileen Lizada, board member ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), marami na ang humiling na palawakin ang biyahe ng mga bus.

"May lumapit sa akin, tinatanong niya kung kailan mag-start iyong [biyahe] pabalik," sabi ni Lizada.

"Actually napag-usapan na namin ni Undersecretary [Timothy John] Batan and we need to coordinate with MMDA (Metropolitan Manila Development Authority)," ani Lizada.

Nitong Pebrero, nasa 46,000 pasahero na ang naisakay ng nasa 636 na bus tuwing umaga.

Pero hindi pa rin ito sapat para punan ang higit 200,000 na pasaherong na-"displace" dahil sa problema sa MRT.

Ang iba ay mahahanap sa mga istasyon ng LRT-1, na kumokonekta sa mga lungsod ng Quezon City, Caloocan, Manila, Pasay at Parañaque.

Isa na rito si Josephine Arejola na mula Quezon City papuntang Pasay ang biyahe.

Ang dating pamasahe ni Arejola na P100 sa MRT at bus, ngayon ay P210 na sa taxi, LRT-1, at traysikel.

Tumaas simula noong Enero ng higit 20,000 ang bilang ng mga pasahero na sumasakay sa LRT Roosevelt Station kada araw.

Ayon naman sa labor group na Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP), nasa tatlo hanggang anim na oras kada araw ang average na binibiyahe ng mga manggagawa.

"Two years na ang ating administrasyong Duterte, eh ano nakikita natin ... nananawagan na ang mga manggagawa na kailangan ng immediate solution," ani Louie Corral, vice president ng ALU-TUCP.

Nanawagan ang ALU-TUCP sa gobyerno na bumuo ng isang multi-sectoral committee para magawan ng karampatang aksiyon ang mga problema sa MRT.

Nasa 900 pasahero rin ang pinababa nitong Miyerkoles sa may Guadalupe Station bandang alas-8:40 ng umaga dahil sa sirang tren.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.