3, sugatan sa sunog sa Pasig; P15-M halaga ng ari-arian, naabo

Jervis Manahan, ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2018 04:36 AM

Sugatan ang 3 katao sa sunog na sumiklab sa isang warehouse sa Barangay Rosario, Pasig City Martes ng gabi.

Natupok din ang higit 40 bahay sa paligid ng warehouse.

Tinatayang nasa P15 milyon ang halaga ng pinsala ng sunog.

Ayon sa Pasig City Fire Station, nagsimula ang sunog ala-7:20 ng gabi. Agad itong iniakyat sa ikalimang alarma.

"Naging mabilis naman ang responde ng mga pulis at agad may assistance from other cities," ani Supt. Reynaldo Lorenzo, hepe ng Bureau of Fire Protection - District IV.

Ayon naman sa mga residente, maraming pumutok na tanke ng LPG.

Agad ding nasunog ang mga kalapit na bahay dahil gawa lamang ito sa light materials.

Marami rin umanong plastic sa loob ng warehouse.

Batay naman sa tala ng Philippine Red Cross, 3 katao ang naiulat na nasugatan sa sunog na agad namang dinala sa ospital.

Inaalam pa ng otoridad ang pinagmulan ng sunog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.