Holdaper na bumaril sa pares vendor: 'Akala kasi nila nagbibiro kami'

ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2020 04:04 PM | Updated as of Feb 20 2020 07:05 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Humingi ng tawad ang holdaper na tumangay sa pera at bumaril noong Martes sa isang pares vendor sa Maynila, na ngayon ay kritikal pa rin sa pagamutan. 

 

Ayon sa suspek na si Alexander Ogdamina, hindi niya inasahang hahantong sa barilan ang panghoholdap niya kay Samson Bautista.

"Pasensya na kayo kung nangyari 'yun hindi ko naman gusto mangyari 'yun. Pasensya na sa inyo," sabi ng suspek matapos matimbog.

Pero kasabay nito, nagbabala ang suspek na ang mga tulad niyang holdaper ay "hindi nagbibiro" tuwing magbabanta sa kanilang mga biktima. 

"Baka akala kasi nila nagbibiro kami, hindi kami nagbibiro. Pag sinabi namin ginagawa namin 'yun."

Sa CCTV footage ng panghoholdap ni Ogdamina, makikitang tumanggi ang biktima na ibigay ang bag na naglalaman ng kinita sa pagtitinda hanggang sa barilin ng suspek.

"Makikita niyo naman yun sa CCTV kung binigay nga ba sa akin bago ko pinutukan... Maliit na halaga lang naman 'yan kung gugustuhin eh, hindi na kailangan pang [mawalan] pa ng buhay," sabi ng suspek.

Hindi sinabi ng suspek kung saan niya ginamit ang perang ninakaw kay Bautista. Umamin naman din ito na gumagamit siya ng droga.

"Kaysa naman lokohin ko kayo," aniya. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.