Universal health care batas na pero epekto 'di agad mararanasan'

ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2019 08:31 PM | Updated as of Feb 20 2019 08:56 PM

Naisabatas na ang panukalang universal health care (UHC), na layong gawing miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang bawat Pilipino at gawing abot-kaya ang tulong medikal lalo sa mga nakatira sa malalayong lugar. 

Pinirmahan ni ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas sa isang seremonya sa Malacañang ngayong Miyerkoles. 

Budget ng Department of Health, kita ng Philippine Amusement and Gaming Corporation, Philippine Charity Sweepstakes Office, at kontribusyon ng mga miyembro ng PhilHealth ang ilan sa panggagalingan ng pondo ng batas. 

Balak din kunin ang pondo ng batas sa panukalang dagdag-buwis sa alak at sigarilyo, na inaasahang magdadala ng P40 bilyon sa kaban ng bayan. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Nauna nang sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na posibleng magkaroon ng pagbagal sa implementasyon ng batas dahil sa kakulangan sa pondo lalo na't nakabinbin pa sa Kongreso ang panukalang dagdag-buwis sa alak at sigarilyo. 

"Kung ang proyekto mo ay ten projects in one year, kung hindi mo kayang pondohan eh di i-reduce mo muna, kumbaga pagkasyahin natin until such time na dumating ang pondo," ani Panelo sa isang press briefing nitong Miyerkoles ng umaga. 

Pero ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, may P18 bilyon na silang pagkukuhanan ng pera mula sa "unprogrammed" funds ng Senado na maaari raw gamitin sa batas. 

Dati nang nabanggit na kailangan ng P257 bilyong pondo para sa UHC. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Ipinaalala din ni Duque na hindi agad-agad mararamdaman ang bisa ng batas sapagkat may 180 araw pa sila para balangkasin ang implementing rules and regulations (IRR) ng batas. 

Ani Duque, unang patitibayin ng Health department ang suplay ng mga health worker at pasilidad sa iba't ibang bahagi ng bansa. 

"We will prioritize the geographically isolated and disadvantaged areas, upland barangays. We’re looking at IP communities, far flung areas where reports of under service and lack of service are about," ani Duque. 

Tinawag ni Duterte noon ang UHC na "priority bill" at inutos ang agarang pagpasa nito. 

-- May ulat nina Joyce Balancio at Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.