Pabrika ng jelly drink 'nanggaya,' sinalakay

ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2019 10:13 PM

Kinumpiska sa pabrika ang mga jelly drink ginaya umano sa kakompetensiyang produkto. Screengrab

Nilusob ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang pabrika ng inumin sa Valenzuela City na gumagaya umano sa mga produkto ng isang kompanya. 

Sa bisa ng isang search warrant, pinasok ng NBI Intellectual Property Rights Division (IPRD) ang pabrika at pinatigil ang trabaho ng mga factory worker na noo'y gumagawa ng jelly products.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nang inspeksiyunin ang warehouse, pinakumpiska ang inuming "Mega Coco" dahil ginaya umano nito ang kakompitensyang produkto na "Master Coco" na isa ring jelly drink.

"Iyung font pareho, 'yung kulay pareho, pati picture," ayon kay Melissa dela Cruz, kinatawan ng Jelly Cham Manufacturing Corp. na siyang gumagawa sa Master Coco.

Ayon sa Jelly Cham, dati nilang kasosyo ang may-ari ng pabrikang gumagawa sa gaya-gayang "Mega Coco."
 
Hinaing nila, sobrang hawig sa kanilang produkto ang Mega Coco, dahilan para malugi raw sila ng kalahati sa kanilang dating kita.

Naapektuhan din daw nito ang pasahod sa mga empleyado ng Jelly Cham. 

"Nag-shifting kami. Dati nakakasahod sila (trabahador) ng anim na beses sa isang linggo. Ngayon tatlong beses na lang," pagbubunyag ni Dela Cruz.

Kumuha naman ng sample ng Mega Coco ang NBI para ipasuri sa Bureau of Food and Drugs (BFAD) kung ligtas itong inumin. 

"Vine-verify pa namin ang report na may bata somewhere in Luzon na nagkasakit matapos inumin 'yung product," ani NBI-IPRD chief Glenn Ricarte. 

Depensa naman ng manager ng pabrika, di nila sinasadya na mahawig ang produkto nila sa Master Coco.

Siniguro din nilang ligtas inumin ang Mega Coco at may kaukulang mga permit ito. 

Nahaharap sa kasong unfair competition ang kompanya at kinumpiska ng NBI ang mahigit 60,000 piraso ng ginayang inumin. 

—Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.