Ina sa Cebu kinasuhan sa panggugulpi sa 5 anyos na anak

ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2019 06:37 PM | Updated as of Feb 20 2019 09:30 PM

Inireklamo ang isang ina sa Talisay City, Cebu matapos mahuli sa aktong binubugbog niya ang kaniyang 5 anyos na anak. 

Sa video na kuha ni Bayan Patroller Jennifer Laberte, makikita ang inireklamong inang si alyas "Pola" na panay ang sipa at palo sa bata sa kanilang bahay sa Sitio Kimba sa Barangay San Roque. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Iyak naman nang iyak ang bata habang pinapalo siya ng kaniyang ina. 

Namagitan pa ang mga kapitbahay ng babae pero patuloy lang ito sa paghampas sa bata. Nakipag-away din ito sa mga saksi na kumukuha ng video.

Nang balikan ng mga awtoridad, umamin ito sa nagawa sa anak.

Kuwento niya, nagalit siya sa bata nang hindi ito bumalik agad nang pabilhin niya ng gamot.

Itinanggi naman niyang makailang beses na niyang ginulpi ang bata, ayon sa salaysay ng mga kapitbahay.

Ayon sa City Social Welfare Services (CSWS) ng Talisay City, sinagip nila ang bata at ayaw na umano nitong lumapit o bumalik pa sa ina.

Nakitaan din ng iba't ibang bakas ng pang-aabuso ang bata. 

"Nakita sa kaniyang mukha ang mga sugat dahil sa pangungurot tapos sa kaniyang likuran may parang pasa dahil ayon sa bata sinsaktan siya," ani CSWS-Talisay officer Felipa Solana.

Sinampahan na ng kasong child abuse ang ina.


—Ulat ni Leleth Rumaguera, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.