61 anyos na lalaki timbog sa pananaksak sa Makati City

ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2019 04:26 PM | Updated as of Feb 21 2019 09:10 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATED) Naaresto ang isang lolo matapos umanong mapatay sa pananaksak ang nakaalitang lalaki sa Makati City, sabi ngayong Miyerkoles ng pulisya.

Nagtalo noong hapon ng Lunes sa Barangay San Isidro ang biktima na si Joel De Leon, 47, at suspek na si Romeo Regalado, 61, nang tila bumunot ng patalim sa bulsa si Regalado, ayon sa pulisya.

Nagpambuno umano ang dalawa hanggang sa nasaksak si De Leon.

Naitakbo sa ospital ang biktima pero binawian din ng buhay dahil sa dami ng nawalang dugo sa mga natamong saksak.

Sumuko naman sa barangay si Regalado at doon na inaresto ng mga pulis.

Ayon kay Regalado, sinisingil niya noon ang biktima sa ilang buwan nang utang na P3,000. Pinagtanggol lang daw niya ang sarili.

Kinasuhan ng homicide ang suspek.

-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.