3 magkakaklase patay matapos malunod sa ilog sa Pampanga

Trisha Mostoles, ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2019 04:33 PM

Ang huling damit na isinuot ng apong si Matthew Tungol na lamang ang hawak ng kaniyang lola na si Magdalena Espiritu. Kasama ni Tungol ang mga kaklaseng sina Princess Nicole Pantig at John Michael Baraclan nang malunod sa ilog sa Sasmuan, Pampanga. Trisha Mostoles, ABS-CBN News


SASMUAN, Pampanga – Tatlong bata ang nasawi matapos na malunod sa ilog ng Cutud sa Barangay Sta. Monica sa nasabing bayan, Martes ng hapon.

Hawak pa ni Magdalena Espiritu ang mga damit na huling isinuot ng 8-taong gulang niyang apong si Matthew Tungol bago malunod sa ilog.
 
Kuwento ni Espiritu, hindi umuwi para mananghalian ang kaniyang apo pagkatapos ng klase.

“Kakain na kami. Sabi po ng lolo niya, tirahan na lang natin nagko-kompyuter lang. Sabi ng anak ko, Ma si Matmat naliligo daw sa delta,” sabi niya.

Kasama ni Tungol ang mga kaklaseng sina Princess Nicole Pantig at John Michael Baraclan na nagkayayaang maligo sa ilog.
 
Umabot ng tatlong oras ang paghahanap ng mga kaanak, mga residente at opisyal ng Barangay San Pedro bago nakita ang katawan ng mga bata.

“'Yung pangalawang hanap po ng mister ko, ‘yan 'yung anak niya ang nakuha niya, nakataob. Hindi po ‘yan marunong lumangoy, kahit dito po ‘yan pinipilit ko pang maligo,” sabi ni Mary Grace Baraclan, ina ni John Michael.

Ayon sa mga residente, mababaw lang ang ilog pero may ginagawang dredging sa lugar kung saan nalunod ang mga bata.

Dead on arrival na sa ospital ang magkakaklase.

Ramdam naman ang lungkot sa silid-aralan ng mga Grade 3 students sa San Pedro Elementary School.

Nagluluksa din ang gurong si Maribeth Manganti Mercado sa pagkamatay ng tatlo sa kaniyang mga estudyante.

“Masakit po kasi kahit hindi sila lumabas sa akin, within 8-months kasama ko sila,” sabi niya.

Pinapayuhan naman ng awtoridad ang mga magulang na maiging bantayan ang kanilang mga anak.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.