LRT, may sekreto sa 'pag-aalaga' sa mga tren

ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2018 11:12 PM | Updated as of Sep 05 2019 02:35 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagiging halos pang-araw-araw na pangyayari na ang pagkakaroon ng aberya sa mga linya ng tren sa Metro Manila, partikular sa MRT-3.

Bumababa mula sa maximum capacity ang karaniwang bilang ng bumibiyaheng tren kapag nagkakaroon ng aberya tuwing rush hour.

Kakulangan sa spare parts ang isa sa laging ugat ng mga aberya sa MRT.

Nitong Martes, libo-libong pasahero ang naglakad muli sa riles ng MRT-3 pasado alas-6 ng umaga.

Tumirik kasi ang tren sa pagitan ng Shaw Boulevard at Ortigas station dahil sa electrical failure.

Nagkaroon din ng saglit na pagkaantala sa biyahe ng LRT-1 dahil kinailangang i-reset ang compressor ng isang tren.

"Nag-trip 'yong circuit breaker ng compressor ... may kaunting delay pero immediately nung ni-reset 'yong breaker, umandar na 'yong tren," ani Rudy Chansuyco, chief operating officer ng Light Rail Manila Corporation (LRMC), ang kompanyang nangangasiwa sa LRT-1

Pero kung ikukumpara sa mga nakaraang taon, malaki na umano ang ibinaba ng bilang ng aberya sa LRT-1. 

Ang sekreto ng LRT ay sila na mismo ang gumagawa ng sariling spare parts para sa linya sa isang laboratoryo sa Pasay City.

"'Yong ibang spare parts mahirap na hanapin so 'yong team namin forced kami to develop a laboratory," ani Juan Alfonso, chief executive officer ng LRMC.

Pagkagawa ng spare parts, dadaan pa ang mga ito sa masusing simulation bago ilagay sa tren.

Ang mga inhenyero at electrician ay pinadala sa bansang France para magsanay kung paano gumawa ng mga electrical component.

Isang halimbawa sa mga produktong binubuo ay ang tachymetry, na responsable sa pagkontrol ng bilis at pagbukas o pagsara ng pintuan ng tren. 

Nasa higit P1 milyon ang halaga ng tachymetry na nabibili lang umano sa Europa kaya gumawa ang LRT-1 ng sarili at gumastos lang ng halos P5,000.

Isang malaking hamon umano para sa LRMC na matanda na ang mga tren pero tiniyak nilang mas bubuti pa ang serbisyo ng LRT-1 sa mga susunod na taon. 

Dalian trains

Samantala, hinihintay pa ng Department of Transportation (DOTr) ang pag-aaral ng German firm na TUV Rheinlan kung papayagang makabiyahe ang mga Dalian train sa linya ng MRT.

Ayon kay Transportation Assistant Secretary Timothy John Batan, kapag pinahintulutan ng TUV Rheinland ay agad gagamitin ang mga Dalian train para sa MRT.

Sa pagdinig ng Senado sa isyu ng MRT nitong Martes, iginiit ni Rolf Bieri, isang rail technical consultant, na pasok ang bigat ng mga Dalian train sa bigat ng mga tren na maaaring tumakbo sa MRT.

Naging kontrobersiyal ang mga tren na binili sa halagang P3.8 bilyon mula Dalian Locomative sa Tsina dahil hindi umano ito compatible o tugma sa linya ng MRT. 

Lunes nang patakbuhin ang mga Dalian trains sa MRT nang walang sakay na pasahero bilang pagsusuri.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.