ALAMIN: Kailan nagkakaroon ng basehan ang 'profiling' ng pulisya

ABS-CBN News

Posted at Feb 19 2020 01:39 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Nag-viral kamakailan ang pag-imbita sa presinto ng Makati Police sa isang transgender woman para umano sa profiling, isang hakbang na binatikos ng LGBT community. 

Sa programang "Usapang de Campanilla," ipinaliwanag ng abogadong si Claire Castro kung kailan nagiging bawal ang profiling, o pagkuha ng pulisya sa detalye ng isang taong "pinaghihinalaan."

"Pag walang kaso, wala kang awtoridad na mag-profile unless suspect na 'to o may nakapagturo sa kaniya pero wala kang basehan," ani Castro. 

Dapat din aniya'y may kasamang abogado ang isang taong isasailalim sa profiling. 

"Dapat kasama na niya ang lawyer of choice niya, kung wala man magbigay ka ng lawyer," paliwanag ni Castro. 

Sa video na inilabas ng transgender woman na si Anne Pelos, sinabi niyang naglalakad lang siya sa Makati Avenue nang harangin ng pulis, na nagsabing inutusan umano sila na magsagawa ng profiling sa mga transgender person. 

Nangamba ang ilang rights group at mga miyembro ng LGBT community, na nagsabing puwedeng mauwi sa warrantless arrest ang ginawa ng Makati Police. 

Umani ng libo-libong reaksiyon at shares sa Facebook ang video sa nangyari kay Pelos.

Sinibak na rin sa puwesto ang 2 pulis na nasa-video.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.