2 lalaki timbog sa buy-bust sa Cavite; bentang 'shabu' nakuha sa underwear

ABS-CBN News

Posted at Feb 19 2020 03:00 PM

MAYNILA — Dalawang lalaki, kabilang ang isang nahuling nagtatago ng hinihinalang shabu sa kaniyang underwear, ang naaresto ng mga pulis noong Lunes sa buy-bust operation sa Bacoor City, Cavite.

Kinilala ni Lt. Col. Vicente Cabatingan, hepe ng Bacoor police, ang mga suspek bilang sina Rojan Jude Constantino at Edward Bagasala.

Nahuli umano sila sa isang operasyon sa Barangay Talaba III matapos may magsumbong sa pulisya na may ilegal na bentahan ng droga sa mga establisimyento doon.

Aabot sa 51 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakalahagang P350,000 ang nakumpiska sa mga suspek.

Nakuhanan din ng mga pulis si Constantino ng droga sa loob ng kaniyang underwear, na umano ay modus ng mga suspek.

“Doon nila ilalagay sa mga underwear nila. Sa maselang parte ng katawan inilalagay. Hindi sila nagdi-dispose kung ‘di nila kilala o hindi na-refer sa kanila,” ani Cabatingan.

“Disposal nila ay sa mga tindahan na may CR. Papasok ka sa tindahan na may CR, doon ang palitan. Nakabalot pa ang droga,” dagdag ng hepe.

Dati na rin umanong naaresto dahil sa kasong may kinalaman sa droga si Bagasala.

Parokyano ng mga suspek ang mga negosyante at estudyante, ayon kay Cabatingan.

Pero ayon kay Constantino, napilitan lang siyang magbenta ng droga para sa pangangailangang medikal ng kaniyang misis at mga anak.

“May sakit ang dalawang anak ko. Humingi ako ng tulong sa kaniya (Bagasala),” ani Constantino.

“First time ko lang po ito,” aniya.

Kinasuhan ang mga suspek ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.