NDF negotiator Fidel Agcaoili, pinayagan ni Duterte na makabalik ng Pilipinas

ABS-CBN News

Posted at Feb 19 2019 11:45 PM

MAYNILA - Ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga pulis at militar na hayaan na payapang makabalik ng bansa si National Democratic Front (NDF) chief negotiator Fidel Agcaoili.

Sa talumpati ni Duterte sa Davao City, sinabi niyang balak makipag-usap ni Agcaoili sa gobyerno para sa panunumbalik ng peace talks.

Sa ngayon, naghihintay lang daw ang gobyerno sa tamang panahon para pag-usapan muli ang mga hakbang tungo sa kapayapaan.

Sa kaniyang talumpati rin, binanatan ng Pangulo si Communist Party of the Philippines (CPP) founder Joma Sison na aniya ay hindi niya gusto ang estilo.

Hindi naman daw kinamumuhian ng Pangulo si Sison at katunayan ay maaari pa nga raw silang maging magkaibigan.

Suhestiyon ni Duterte kay Sison, tigilan na ang demands sa gobyerno at bumalik na lang sila sa negotiating table para pag-usapan kung mayroon silang maaaring pagkasunduan.

Samantala, nanawagan naman ang Pangulo sa mga bansang Brunei, Indonesia, at Malaysia na makipagtulungan sa Pilipinas para labanan ang mga pirata.

Kung may mga pirata raw sa teritoryo ng Pilipinas, ang utos ng Pangulo sa militar ay pasabugan sila. - ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News