Mga pahayag ng Senate bets na nag-'Harapan' sinalang sa fact-checking

Mike Navallo, ABS-CBN News

Posted at Feb 19 2019 09:19 PM | Updated as of Feb 20 2019 05:09 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kaniya-kaniyang bitiw ng mga pahayag at posisyon sa mga isyu ang siyam na kandidato na sumalang sa unang “Harapan 2019,” ang senatorial debate ng ABS-CBN nitong nakaraang Linggo.

Isinailalim ng ABS-CBN Investigative and Research Group sa pagsusuri ang mga sinabi ng mga kandidato at ito ang ilan sa nakita ng grupo:

Sa opening statement pa lang, sinabi ng dating kongresista na si Glenn Chong na ang laban niya ay malinis na halalan.

"Wala po akong kaso, ni isang kaso man lang. Ibig sabihin, mga kababayan, ako ay nagsasabi ng katotohanan. Hindi kayang kakasuhan," sabi ni Chong.

Wala ngang kaso sa korte si Chong pero ayon sa Law department ng Commission on Elections (Comelec), may hinaharap siyang tatlong reklamo kaugnay ng umano ay sabwatan sa pagnanakaw at pag-tamper ng mga balota sa Baguio noong 2013.

Nakahanap noong 2017 ang Comelec ng basehan para sampahan ng kaso si Chong at iba pa, pero naghain si Chong ng motion for reconsideration.

Nagpahayag naman ng galit sa surveys ang abogadong si Lorenzo “Larry” Gadon.

"’Yang SWS (Social Weather Stations) na ‘yan, kasinungalingan ‘yan. Mga propaganda ‘yan. Mga dilawan ‘yan. Nag-umpisa ‘yan noong panahon ni Cory Aquino. Mga dilawan, kaya maraming malalakas na kandidato. Huwag kayo maniwala diyan sa Pulse Asia," ani Gadon.

Pero kung titingnan ang mga survey ng Pulse Asia at SWS, dalawa lamang – sina Mar Roxas at Bam Aquino – ang "dilawan" o taga-Liberal Party ang nakakapasok sa Magic 12. Hindi rin laging pasok ang dalawa sa Magic 12.

Tumugon din si Gadon sa isang tanong at iginiit na walang nakaw na yaman ang pamilya Marcos.

"'Yong ginawa ng PCGG (Presidential Commission on Good Government), marami silang mga tinatawag na alleged cronies... hindi lahat iyon ay sa Marcoses," ani Gadon.

Pero Agosto 2017 nang ibunyag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang alok ng pamilya Marcos na “isaoli” ang ilang gold bars.

Mula 1986 hanggang 2018, nabawi naman ng PCGG ang mga ari-arian ng pamilya Marcos na nagkakahalagang higit P172 bilyon.

Tinatayang nasa $5 bilyon hanggang $10 bilyon ang kabuuang halaga ng nakaw na yaman ng mga Marcos, ayon sa PCGG.

Humarap din si dating Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Francis Tolentino at ilan ang nagulat sa kaniyang posisyon sa mga balimbing.

"Hindi po," sagot ni Tolentino nang tanungin kung maituturing ba niya ang sarili bilang balimbing.

"Tumakbo po ako dati, independent po ako," dagdag niya.

Totoong independent candidate si Tolentino noong 2016 pero bago ito, tumakbo siya sa pagkaalkalde ng Tagaytay sa ilalim ng Lakas-NUCD-UMDP.

Kabilang sana si Tolentino sa senatorial line-up ng Liberal Party noong 2016 pero umatras siya dahil sa isang kontrobersiya, kung saan binayaran umano niya ang ilang dancer na sumayaw nang malaswa sa oath-taking ng partido. Pinabulaanan ito ni Tolentino.

Tatakbo ngayon si Tolentino sa ilalim ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-LABAN) ni Pangulong Rodrigo Duterte. 

Tinanong din ang mga kandidato kung payag silang babaan ang minimum age of criminal responsibility o iyong pinakamababang edad na maaaring mapanagot ang isang tao sa krimen.

Ayon kay Willie Ong: "Ang average sa buong mundo is 11 years old. Sa US, Singapore, seven years old. Sa Hong Kong, 10 years old. Sa South Korea, 14 years old pero binababa nila sa 13."

Sinabi naman ni Tolentino: "Tama po 'yung narinig ko. Australia, 10 years old. New Zealand, 10 years old. Myanmar, seven years old. Hong Kong, 10 years old. South Carolina, USA, six years old."

Tama naman ang dalawa pero ayon sa datos ng Child Rights International Network, may 45 bansa din kung saan 15 to 18 years old ang minimum age of criminal responsibility. Kabilang dito ang Mainland China, Russia, Brazil, at Pilipinas.

Sa nakalipas na tatlong dekada, 51 bansa na ang nagtaas ng minimum age of criminal responsibility, ayon sa Child Rights International Network. 

Sa susunod na Linggo, bagong pangkat naman ng mga kumakandidato sa pagkasenador ang sasabak sa “Harapan 2019.”

ABS-CBN Integrated News & Current Affairs is a part of TSEK.PH, a collaborative fact-checking initiative by the academe and the media for the 2019 Philippine midterm elections.