Jordanian, kinakasamang Pinay tiklo sa illegal recruitment

ABS-CBN News

Posted at Feb 19 2019 04:00 PM

Isang lalaking Jordanian at kinakasama umano nitong babaeng Pilipina ang hinuli sa Ninoy Aquino International Airport dahil sa diumano'y ilegal na pag-alok ng trabaho sa higit 100 katao. 

Huli ang mga suspek na sina Ali Moh Khalil Tarrish at Myrla Olor na nagtangka umanong tumakas patungong Davao. 

Ayon sa mga biktima, pinangakuan sila ng sahod na mahigit P30,000 kada buwan sa Dubai. 

Kabilang sa mga biktima si Mohamiden Matsura, na nangutang pa umano ng kaniyang placement fee para manilbihan sana bilang waiter sa Dubai.

Nadiskubre rin daw na peke ang lahat ng mga dokumentong iprinoseso ng mga suspek. 

Ayon sa NBI, wala din sa datos ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na lehitimong mga recruiter ang dalawa.

Sa pagtaya ng NBI, umabot na sa P4 milyon ang nakulimbat umano ng mga suspek sa kanilang mga biktima. 

Pinaghahanap pa ng mga awtoridad ang dalawang kasabwat ng mga suspek na sina Virginia Adling at Mel Madera.

Sinampahan ng reklamong estafa at illegal recruitment sa Pasay City Prosecutors Office ang mga suspek.

-- Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.