Tricycle driver patay, buntis sugatan sa pamamaril sa Caloocan

ABS-CBN News

Posted at Feb 19 2018 02:56 PM

Patay ang isang tricycle driver habang sugatan naman ang isang buntis sa pamamaril sa Barangay 187, Tala, Caloocan City nitong Lunes ng umaga.

Kinilala ang biktima bilang si Gilbert Estabillo, 44 anyos na tricycle driver, na binaril ng dalawang hindi pa nakikilalang salaring lulan ng isang motorsiklo.

Ayon kay Chief Inspector Antonio Naag, hepe ng Caloocan Police Community Precinct 4, batay sa kuwento ng mga saksi, nangyari ang krimen bandang alas-10:30 ng umaga.

Inaayos umano ni Estabillo ang kaniyang tricycle sa gilid ng Sunflower street nang biglang lapitan ng mga salarin at pagbabarilin sa likod.

Agad namang nakatakas ang mga suspek mula sa pinangyarihan ng krimen.

Nadamay sa putukan ang isang buntis na tinamaan ng ligaw na bala.

Isinugod ang buntis sa Jose Rodriguez Memorial Hospital, at ayon kay Naag ay nasa maayos na kalagayan na.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo ng pamamaslang at pagkakakilanlan ng mga salarin.

-- Ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.