Pagsasara ng rampa pa-SLEX, sunog sa Sucat nagdulot ng trapiko

ABS-CBN News

Posted at Feb 18 2020 07:18 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sala-salabat na trapiko ang naranasan ng mga motoristang gumagamit ng South Luzon Expressway dala ng umano’y kalituhan sa pagsara ng rampang daanan sana patungo sa naturang expressway. 

Naranasan ang trapiko sa Magallanes papasok ng At-Grade level ng SLEX, maging sa daan paakyat ng rampa patungong Skyway, 
 
Sinara rin sa mga bus at mabibigat na sasakyan ang temporary steel ramp. Nagkaroon din ng sunog sa Sucat Road na nagpabigat lalo sa trapiko ngayong Martes. 

"Kagabi mayroon na-stall pa na vehicle doon sa [daan] before ng three ramps kaya it took us some time to remove and nagka-build up,” paliwanag ni SMC Tollways President Manny Bonoan. 

Layon ng pag-extend ng rampa na mapabilis ang biyahe mula Magallanes at makaiwas sa nuknukan sa bigat na trapiko sa Alabang Viaduct. 

Pinagdidikit ng nasabing rampa ang mga galing sa Skyway at At-Grade level ng SLEX. 

Dala nito, naghanap ng ibang ruta ang ilang sasakyan; Sucat at Service Road ang pinakamalapit na kalsada papasok ng Alabang. Pero may traffic scheme din sa West Service Road dala ng nasabing pagkukumpuni. 

“We will temporarily close part of the northbound lane of the service road as we progress yung construction from alabang progressing toward sucat, ganun yung scheme namin so hindi yung totally closed kagad yung West Service Road," ani Bonoan. 

Payo ng pamunuan ng SLEX na dumaan muna sa Skyway at bumaba ng rampa lagpas ng Alabang Viaduct pa-Timog para hindi pa bumigat ang trapiko sa ibang daan. 

Pinaplano rin ang paglalagay ng lane sa Skyway para sa mga sasakyang didiretso ng Alabang. 

Bukod pa ito sa mga lane na papunta ng Bicutan at Sucat. 

Magtatagal ng dalawang buwan ang nasabing extension project. 

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.