OSG humiling ng gag order sa quo warranto case vs ABS-CBN

ABS-CBN News

Posted at Feb 18 2020 03:59 PM | Updated as of Feb 18 2020 07:38 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Gustong pigilan ng Office of the Solicitor General ang ABS-CBN, ABS-CBN Convergence, maging ang mga personalidad nito na magsalita tungkol sa quo warranto petition na nakabinbin sa Korte Suprema.

Naghain ngayong Martes ng mosyon sa Korte Suprema ang OSG para magpalabas ng gag order na magbabawal sa mga opisyal ng network na maglabas ng pahayag ukol sa quo warranto petition.

Bilang tugon, binigyan ng korte ang ABS-CBN ng 5 araw para sagutin ang panibagong mosyon.

“The Supreme Court has ordered the respondents ABS-CBN Corp. and ABS-CBN Convergence to file their respective comments to the motion filed by Office of Solicitor General within a non-extendible period of 5 days of notice,” sabi ni Supreme Court Spokesman Brian Keith Hosaka sa isang press briefing.

Diringgin muna raw ng korte ang panig ng parehong partido.

“After ma-file ng ABS-CBN ‘yan, the court will decide on the matter,” ani Hosaka.

Sa mosyon ng OSG para sa gag order, inireklamo ang umano ay propagandang ginagawa ng ABS-CBN sa mga ulat nito tungkol sa quo warranto petition para makakuha ng simpatiya, at maimpluwensiyahan ang publiko at resolusyon ng kaso.

Kabilang sa mga inireklamo ang explainer ni ABS-CBN reporter Christian Esguerra na ipinapaliwanag kung ano ang quo warranto petition, mga paratang ni Solicitor General Jose Calida, at ang sagot ng kompanya.

Magugunitang hiniling noong nakaraang linggo ni Calida – sa pamamagitan ng isang quo warranto petition – sa Korte Suprema na ipawalang bisa ang prangkisa ng ABS-CBN dahil sa ilang nakikitang paglabag sa lisensiya nito. Ito ay kahit nakatakdang mag-expire ang prangkisa ng network sa Marso.

Sinita rin ng OSG ang report tungkol sa DZMM, ang pagtalakay ng quo warranto sa Korte Suprema, mga artikulong inilathala sa news website ng ABS-CBN, at mga komento ng mga artista at iba pang personalidad ng network.

Ayon kay Calida, labag ito sa subjudice rule na nagbabawal sa mga partido na talakayin ang merito ng isang nakabinbing kaso sa korte.

Hindi rin aniya dapat naiimpluwensiyahan ang trabaho ng mga mahistrado at huwes, na maaaring maapektuhan ng mga lumalabas sa media.

Sinuportahan naman ng Palasyo ang paghingi ni Calida ng gag order, lalo at nagiging “emotional” ang isyu.

“Tama naman siya (Calida) doon kasi parang nagiging emotional ang issue on this particular topic,” ani Presidential Spokesperson Salvador Panelo.

Binatikos naman ng grupong Human Rights Watch (HRW) ang paghingi ng gag order.

“The government petitions to end the ABS-CBN franchise and now it is proposing to silence all critics with an absurd gag order on specious grounds,” sabi ni Phil Robertson, deputy director ng Asia division ng HRW.

SENATE HEARING TULOY

Ayon naman kay Sen. Grace Poe, tuloy ang pagdinig ng Senado sa isyu ng prangkisa ng ABS-CBN sa kabila ng hiling na gag order.

“Whether it will apply the gag order on our hearings is up to the Court to decide, but our hearing will push through according to our Constitutional mandate,” ani Poe, ang chairperson ng Senate committee on public services, na dumidinig sa mga panukalang batas na may kinalaman sa mga prangkisa.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa Kamara, sinabi naman ni Albay 1st District Rep. Edcel Lagman na pine-pressure ng liderato ng mababang kapulungan ang ilang mambabatas na bawiin ang kanilang suporta sa isang resolusyong layong pabilisin ang plenary deliberations sa mga panukalang magbibigay ng bagong franchise sa ABS-CBN.

“Verified reports show that House leaders have been asking signatories to withdraw their support to Resolution No. 639,” sabi ni Lagman sa pahayag.

Umabot na sa 90 kongresista ang pumirma sa resolusyon, ayon kay Lagman.

Pinabulaanan ni House committee on legislative franchises vice chair Rep. Jose Sy-Alvarado ang sinabi ni Lagman.

Hindi bababa sa 11 panukalang batas na magbibigay ng bagong franchise sa ABS-CBN ang nakabinbin sa Kamara. -- May ulat nina Mike Navallo, Pia Gutierrez, Sherrie Ann Torres, at RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.