OFWs pinayagan nang makabalik sa Hong Kong, Macau

ABS-CBN News

Posted at Feb 18 2020 04:40 PM | Updated as of Feb 18 2020 07:44 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Puwede nang bumalik sa kanilang mga trabaho sa Hong Kong at Macau ang mga overseas Filipino worker (OFW) na na-stranded sa bansa dahil sa travel ban na ipinataw kaugnay ng COVID-19, ayon sa Malacañang.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, kailangan gumawa ng isang written declaration ng mga pupunta sa Chinese territories na alam nila ang panganib ng pagbiyahe pabalik sa kanilang mga trabaho.

Marami kasing OFW ang nangambang mawalan ng trabaho dahil sa pagbabawal sa mga biyahe papunta at galing Hong Kong at Macau bilang pag-iingat sa COVID-19 na nagmula sa lungsod ng Wuhan sa Mainland China.

Bukod sa mga manggagawang Pinoy, exempted din sa travel ban sa Hong Kong at Macau ang mga sumusunod:

  •    Filipinos at kanilang mga banyagang asawa o anak
  •    Permanent residents ng Hong Kong at Macau
  •    Mga Pinoy na mag-aaral sa mga teritoryo
  •    Mga Pinoy na may diplomatic visas

Ang mga papayagan namang makabalik ng bansa galing Hong Kong at Macau ay kailangang sumailalim sa 14-day quarantine.

Ikinatuwa naman ng Philippine Association of Manpower Agencies for Macau ang balita pero malaki pa rin daw ang problema.

May 60 porsiyento sa higit 200 OFW papuntang Macau ang nag-expire na ang dokumento at nag-back out na ang mga employer.

Nagkaroon din ng problema sa employer ang ilang OFW sa Hong Kong, ayon sa Society of Hong Kong Accredited Recruiters.

Bibigyan simula Miyerkoles ng Philippine Overseas Employment Administration ng special lane ang mga Hong Kong at Macau OFW na nag-expire ang overseas employment certificate at nangangailangan ng revalidation, ayon sa administrator ng ahensiya na si Bernard Olalia.

Noong Pebrero 14, inalis naman ng Pilipinas ang travel ban sa Taiwan dahil sa pagtutol ng gobyerno at Filipino community doon. -- May ulat nina Zen Hernandez at Arianne Merez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.