ALAMIN: Proseso para gawing ligal ang pag-ampon sa kinupkop na bata

ABS-CBN News

Posted at Feb 18 2020 12:54 PM | Updated as of Feb 18 2020 12:55 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Noon, gabundok na papeles at gastos ang kailangang ihanda ng mga gustong kumupkop ng isang bata kaya nagagawa na lamang ng ilan na "i-tamper" ang birth certificate ng kinupkop na bata para masabing sila ang magulang nito. 

Ngayon, sa bisa ng bagong batas, mas mapapabilis na ang proseso ng pag-ampon sa isang bata. 

Alinsunod ito sa Republic Act 11222 o Simulated Birth Rectification Act na nagbibigay ng amnestiya o palugit sa sino mang nameke ng birth certificate ng isang bata para ipalabas na sila ang magulang nito. 

Dahil sa batas, ligal na mapoproseso ng gustong mag-ampon sa isang bata ang mga papeles nito. 

"Dati kasi puwede kang kasuhan ngayon, kung ang pamamalsipika mo ay ginawa mo bago mag-March 29 [2019] at 'yong bata ay kapiling mo na at lumaki sayo sa panahon ng 3 taon maaari mo siyang ayusin sa legal na paamaraan," ayon sa abogadong si Noel Del Prado sa programang "Usapang de Campanilla." 

Para maayos ang mga papeles, kinakailangan lang mag-apply sa Municipal and Social Development Office sa city hall ng lungsod kung saan nakatira. 

Dapat ding dalhin ang barangay certification na nagsasabing 3 taong "nakapiling ang bata sa bahay at pinalalaki mo siya bilang anak mo," ayon kay Del Prado. 

May sisingilin ding P1,000 sa Municipal and Social Development Office bilang application fee. 

Ayon kay Del Prado, mas pinadadali ng bagong batas na madeklarang "legally adopted" ang kinupkop na bata at ididiretso na sa Department of Social Welfare ang mga papeles imbis na ihain pa ito sa korte. 

"Ang certificate of live birth kasi iyan po ang best evidence o patunay ng pagkakakilanlan ng isang tao. Pero... dahil iyon [simulated birth] nga ay isang ilegal na gawain, gano katagal yan hindi nahihinog yan sa pagiging legal na anak [kaya] walang nakukuha ang karapatan ang bata. Ngayon sa batas na ito nagbibigay-daan na... Lahat ng agam-agam takot [ng nagkupkop] ay tinugunan na ng batas," ani Del Prado. 

Pero paalala niya, na magtatagal lang ang ang aniya'y "palugit" ng gobyerno nang 10 taon. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.