87 uri ng gamot kabilang sa papatawan ng tapyas-presyo

ABS-CBN News

Posted at Feb 18 2020 08:06 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kung puwede lang daw sanang pasanin ni Jocelyn Francisco ang mister na si Rogelio, gagawin niya dahil mabagal at hirap na ito sa paglalakad bunsod ng lumalalang bukol nito sa kidney o bato.

Galing ngayong Martes ang mag-asawa sa tanggapan ng Department of Health para humingi ng tulong sa pagpapa-ospital. 

“Gumagastos kami for one week ng P2,000 mahigit… Mahirap kasi wala naman kaming mga hanapbuhay,” ani Jocelyn.

Umaabot sa P8,000 kada buwan ang ginagastos ni Jocelyn para sa gamot ng asawa, mas mataas kompara sa P6,000 kita niya sa paglalaba at pamamalantsa.

Sa mga susunod na buwan, maaaring mabawasan na ang alalahanin ni Jocelyn matapos pirmahan noong Lunes ni Pangulong Rodrigo Duterte ang executive order para sa maximum drug retail price (MDRP) na lilimitahan ang presyo ng ilang uri ng gamot.

Sakop ng utos ang 87 uri ng gamot laban sa altapresyon, diyabetes, kanser, sakit sa baga at bato, at iba pa.

Pinag-aaralan na rin ang pagpapalawak ng sakop ng MDRP para sa nalalabing 35 gamot na bubuo sa 122 na gamot na sasaklawan ng MDRP.

Halimbawa, kung ang 360 milligram ng mycophenolic acid, na gamot sa isang naoperahan sa bato, ay nagkakalahaga ng P116.75, matatapyasan ito ng 19 porsiyento at magiging P94.36 kapag napatawan ng MDRP.

Nagkakahalaga naman ngayon na P23,502.39 ang 100 milligram ng rituximab, na gamot para sa cancer at autoimmune disease. Pero dahil sa MDRP, magiging P13,714.04 na lang o mas mababa nang 42 porsiyento.

Inaasahang sa loob ng 90 araw mararamdaman ng mga Pinoy ang tapyas-presyo sa gamot, ayon kay Health Secretary Francisco Duque III.

“We will immediately issue an administrative order to ensure the effective implementation,” ani Duque.

Bagaman may mga nagsasabing posibleng maging mitsa ang MDRP para alisin ng ilang pharmaceutical companies ang kanilang mga gamot, tiniyak ng DOH na hindi ito mangyayari.

“May mechanisms sa batas na magpo-provide ng access for those eventualities like importation. Nag-express din ang local pharmaceutical industry na kaya nila to take over the supply of the market,” ani Anna Melissa Guerrero ng DOH Pharmaceutical Division.

Ayon sa DOH, 7 porsiyento ng populasyon ang tinatayang makikinabang sa MDRP.

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.