SSS unti-unting magtataas ng kontribusyon hanggang 2025

ABS-CBN News

Posted at Feb 18 2019 09:30 PM

Minimum wage earner ang food server na si Grace Santiago pero P8,000 lang ang take-home pay niya kada buwan dahil sa mga kaltas gaya ng Pag-IBIG, PhilHealth, at Social Security System (SSS).

Mabigat na raw kung lalakihan pa ang kaniyang mga kontribusyon.

"Dahil sa taas ng bilihin tapos babawasan ka pa ulit tapos ang tagal mo pa namang magagamit iyong contribution na 'yon," ani Santiago.

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinirmahan noong nakaraang linggo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11199 o ang Social Security Act of 2018, na magpapatupad ng ilang pagbabago sa SSS.

Sa ilalim ng bagong batas, sisimulan ngayong taon ang unti-unting pagtaas ng contribution rate hanggang maging 15 porsiyento sa 2025. Ngayong taon magiging 12 porsiyento ang contribution rate mula 11 porsiyento.

Ibig sabihin, magiging P250 ang minimum contribution ngayong taon mula P110 hanggang maging P750 sa 2025.

Pero gaya ng dati, sagot pa rin ng employer ang malaking bahagi nito at 1/3 lang sa manggagawa.

Nabawasan kasi ang buhay ng pondo ng SSS noong 2017 nang ipatupad ang unang P1,000 pension increase kada buwan para sa 2.5 milyon pensioners ng SSS.

"Ang aming fund life ay tataas bigla from 2032 to 2045," ani SSS President Emmanuel Dooc.

"So matatapatan na namin agad iyong dating fund life bago tayo nagbuhos ng P1,000 pension hike," dagdag ni Dooc.

Subalit may kulang pang P1,000 dagdag sa pensiyon ang SSS pero malabo raw maipatupad ito ngayong taon.

DAGDAG-BENEPISYO, DAPAT TUTUKAN DIN

Ayon sa SSS, hindi lang contribution increase ang dapat tutukan dahil may dagdag-benepisyo ring nakapaloob sa bagong batas.

Isa umano rito ang "unemployment benefit" na para sa mga manggagawang biglang tinanggal sa trabaho.

"Equivalent to 50 percent of the average monthly salary credit sa loob ng dalawang buwan," ani Dooc.

Hindi naman natutuwa ang Bayan Muna na siyang nagsulong noon sa pension increase.

Sa isang pahayag, sinabi ni Bayan Muna Chairman Neri Colmenares na imbes na gamiting dahilan ang pension increase para itaas ang kontribusyon, dapat ayusin ng SSS ang koleksiyon nito sa mga delingkuwenteng employer at bawasan ang mga bonus ng mga SSS board member.

Sumagot naman si Dooc ukol sa malaking suweldo ng mga taga-SSS.

"Mabubulatlat naman nila sa website kung magkano ang sinasahod ko," aniya.

Nakatakdang maglabas ng implementing rules and regulations at magpatawag ng public hearing ang SSS para maging mas malinaw sa kanilang mga miyembro ang bagong batas bago ito ipatupad.

--Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.