Pinoy, Chinese dawit sa illegal recruitment, tiklo sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Feb 18 2019 08:35 PM

Isang lalaking Chinese at babaeng Pinoy ang hinuli dahil sa umano ay ilegal na pag-alok ng trabaho sa China, sabi ngayong Lunes ng National Bureau of Investigation (NBI).

Inaresto sa entrapment operation noong Biyernes sa Maynila ang mga suspek na sina Jackson Ong at June Rose Taguba.

Nangangako raw ang dalawa sa mga aplikante ng trabahong tutor, domestic helper, o factory worker sa China na may sahod na P40,000 kada buwan, ani Joel Tovera, hepe ng NBI Anti-Organized and Transnational Crime Division.

Ito ay kahit hindi naman daw accredited ang dalawa ng Philippine Overseas Employment Administration.

Ayon pa kay Tovera, tatlong taon nang nag-o-operate sina Ong, at may mga napalipad nang Pilipino pa-China.

Nasagip din sa operasyon ang tatlong babaeng aplikante.

Inaalam na ng NBI kung may iba pang kasabwat ang dalawa.

Sa ngayon, ikinulong ang dalawa sa kasong large-scale illegal recruitment at human trafficking.

--Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.