Seniors kabilang sa 19 na nasagip mula sa prostitusyon sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Feb 17 2020 01:30 PM | Updated as of Feb 17 2020 09:25 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Labinsiyam na babae, kabilang ang ilang senior citizen, ang nasagip ng mga awtoridad mula sa prostitusyon sa Maynila noong gabi ng Linggo, kung saan naaresto rin ang isang sinasabing bugaw.

Sinuyod ng mga pulis ang Rizal Avenue at Recto Avenue sa Santa Cruz district matapos makatanggap ng impormasyong may nangyayaring prostitusyon doon, ayon kay Lt. Col. Reynaldo Magdaluyo, commander ng Manila Police District Station 3.

Nasagip sa operasyon ang mga babaeng naaktuhan umanong nag-aalok ng kanilang mga serbisyo sa mga dumadaan sa mga nasabing kalsada.

Kasama sa mga nasagip ang ilang senior citizen, gaya ng 62 anyos na si alyas “Nicole.”

Ayon kay “Nicole,” 3 taon na niyang tinitiis ang pagbebenta sa sarili para maitaguyod ang 4 na apo.

Natimbog naman ng mga awtoridad ang isang alyas “Mamu” dahil sa umano ay pambubugaw. Naaresto na siya noong 2016 dahil din sa kasong human trafficking.

Sunod-sunod ang ikinasang operasyon kontra prostitusyon sa Metro Manila nitong nagdaang weekend.

Nasa 36 babae ang nasagip ng mga awtoridad sa Makati City sa pagsalakay sa 2 itinuturong sex den sa lungsod noong Sabado.

Dalawang lalaking masahista naman na nag-aalok ng extra service ang nahuli noong gabi ng Sabado sa isang tattoo parlor sa Maynila, kung saan may nagaganap palang prostitusyon.

Nasagip din sa Santa Cruz district noong madaling araw ng Linggo ang 18 babae mula rin sa prostitusyon.

Sa Quezon City, 10 babae ang nasagip sa pagsalakay ng mga awtoridad noong madaling araw ng Linggo sa isang KTV at disco bar na ginagawa umanong pugad ng prostitusyon.

-- Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.