Ilang mga baboy sa Isabela, nagpositibo sa African swine fever

Darlene Gemino, ABS-CBN News

Posted at Feb 17 2020 06:38 PM

ILAGAN CITY, Isabela - Umabot na rin sa lalawigan ng Isabela ang African swine fever.

Kinumpirma ni Provincial Veterinary Officer Dr. Angelo Naui na nagpositibo sa African swine fever ang ilang alagang baboy na namatay sa tatlong barangay sa bayan ng Mallig at isang barangay sa bayan naman ng Quirino.

Agad ding ibinaon ang ilan pang alagang baboy sa mga apektadong barangay.

Umabot sa 65 ang ibinaon sa Mallig habang 12 naman sa Quirino.

“Lumabas yung resulta last week, at lumabas na nagpositibo nga sa ASF yung ilang namatay na baboy sa mga bayan ng Mallig at Quirino. Pero bago pa lumabas ang resulta, nag-cull out na kami ng mga baboy na sa tingin namin ay may sakit para ma-contain ang sakit," paliwanag ni Naui.

Mahigpit ngayon ang checkpoint sa isa sa mga apektadong barangay sa Mallig. Bawal din ang pagpasok at paglabas ng mga baboy.

Aminado ang ilang residente na takot na silang kumain ng karne ng baboy.

Pinaigting pa ngayon ang checkpoint sa lahat ng entry at exit points sa lahat ng bayan at siyudad sa Isabela alinsunod na rin sa utos ng pamahalaang panlalawigan.

Nagsagawa na ng disinfection sa mga babuyan sa mga apektadong barangay. Naglabas din ng bagong executive order ang probinsiya
na nagbabawal sa pagkatay ng mga baboy sa mga barrio at sa pa-uraga system o 'order pork now-pay later' scheme para maiwasan ang pagkalat o paghawa ng sakit.

Pinapayuhan din ang publiko na iwasan muna ang swill feeding sa mga alaga o ang pagpapakain ng mga tira-tira o pinaghugasan ng mga pagkain.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.