DOH alerto pa rin sa posibilidad ng local transmission ng COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Feb 17 2020 07:18 PM

Bagaman bumababa na ang bilang nga mga taong inoobserbahan para sa coronavirus disease (COVID-19), nananatili pa ring alerto ang Department of Health (DOH) sa posibilidad na magkaroon ng local transmission sa bansa.

Kasalukuyang may 171 patients under investigation (PUI) o iyong mga inoobserbahan sa COVID-19 ang naka-confine sa iba-ibang ospital sa bansa, ayon sa DOH. May 350 PUI naman ang na-discharge habang 453 ang nagnegatibo sa sakit.

Pero ayon kay Health Assistant Secretary Maria Rosario Vergeire, hindi magpapakampante ang kanilang ahensiya dahil posible pa rin ang local transmission o iyong pagkakahawahan ng COVID-19 sa bansa.

Wala pang naitatalang local transmission dahil pawang galing China ang 3 pasyenteng nagpositibo sa COVID-19 sa bansa.

Patuloy rin umanong binabantayan ng DOH ang 49 Pinoy na naka-quarantine sa New Clark City matapos manggaling ng Wuhan, China, ang lungsod na pinagmulan ng bagong uri ng coronavirus.

Bagaman hindi nakitaan ng sintomas ng respiratory illness ang mga repatriate, patuloy silang mino-monitor para matiyak na mabuti ang kanilang mga kalagayan.

CONTACT-TRACING

Base naman sa ulat ng DOH Epidemiology Bureau, sa 280 taong na-interview nila na nakasalamuha (o contact) ng una at ikalawang pasyenteng nagpositibo sa COVID-19, 221 ang nakakumpleto ng home quarantine habang 14 pa rin ang naka-home quarantine. Ang natitirang 45 ay naka-admit bilang PUI.

Kaugnay naman sa ikatlong pasyenteng nagpositibo sa COVID19, 255 sa kabuuang 740 contact ang na-trace na, kabilang ang mga nakasabay ng pasyente na pasahero at nakasalamuhang staff ng hotel at ospital.

Nahirapan daw ang DOH na ma-contact ang ibang pasahero dahil sa maling impormasyon o hindi gumaganang contact number na nakalagay sa passenger manifest form.

Nagpulong na rin ang DOH at iba-ibang sektor gaya ng food and beverage industry, kabilang ang mga may-ari ng mga hotel, para maibahagi ang mga dapat gawin para maiwasang kumalat ang COVID-19.

Maraming mga hotel at cruise ship kasi ang may mga buffet at hotpot kung saan nagtitipon-tipon ang maraming tao para kumain.

Wala namang patunay na ang mga buffet at hotpot ay maaaring magdulot ng COVID-19, ayon kay Vergeire.

Samantala, nakatakdang maglabas ang Department of Education ng mga guideline o patnubay para sa mga eskuwelahan tungkol sa pagsasagawa ng school events gaya ng graduation.

Layon ng mga guideline na maprotektahan ang kalusugan ng mga estudyante sa gitna ng banta ng COVID-19.

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.