Higit 200 katao, sinalubong ang labi ni Demafelis sa Iloilo; burol maaantala

ABS-CBN News

Posted at Feb 17 2018 09:14 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dumating na sa Iloilo ang bangkay ni Joanna Demafelis, ang overseas Filipino worker (OFW) na pinatay at isinilid sa freezer sa Kuwait.

Madilim pa lang umaga ng Sabado pero nasa Iloilo International Airport na ang nasa 200 mga kaibigan, kaanak at nakikisimpatya kay Demafelis.

Suot nila ang t-shirt na may larawan ni Joanna at mga tarpaulin na humihingi ng hustisya. 

Sumama rin sa pagsundo ang mga opisyal ng bayan ng Sara. 

"We are condemning the brutal killing of Joanna," ani Mayor Ermelita Salcedo.

Bandang alas-6 na ng umaga dumating ang labi ni Demafelis at hindi na napigilan ng kaniyang ina at mga kapatid ang mapaiyak. Isang kaanak pa ang hinimatay. 

Ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), nagbigay na sila ng paunang tulong sa pamilya.

Mula sa convoy, dinala muna ang katawan sa punerarya. Dahil kailangan pang iproseso, hindi muna naiuwi ang mga labi ni Demafelis sa kanilang bahay pero buhos pa rin ang simpatiya ng mga kapitbahay.

Sa Linggo alas-2 ng hapon inaasahan na maiuuwi na ng pamilya ang labi ni Demafelis mula sa funeral parlor.

Patuloy naman na pinag-uusapan ng pamilya kung kailan ililibing ang kanilang kaanak.

Base sa inisyal na autopsy, lumalabas na pinahirapan muna nang husto ang OFW bago pinatay.

Nakaupo at nakahalukipkip ang mga kamay ni Demafelis nang matagpuan ng mga awtoridad ang kaniyang katawan sa freezer ng abandonadong apartment sa Kuwait.

Nitong buwan lamang siya natagpuan ngunit, ayon sa mga awtoridad, maaaring 2016 pa siya pinatay at isinilid sa freezer.

--Ulat ni Regi Adosto, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.