Poe: dapat linawin kung tuloy ang operasyon ng ABS-CBN kahit mapaso ang prangkisa

ABS-CBN News

Posted at Feb 16 2020 07:22 PM | Updated as of Feb 17 2020 12:41 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dapat linawin ng Kongreso sa isang pahayag kung puwede ngang magpatuloy ng operasyon ang ABS-CBN hanggang 2022 kahit pa mapaso na ang prangkisa ng network, ayon kay Sen. Grace Poe.

"Kahit pa sabihin pa nila na puwede naman 'yan i-extend hanggang 2022, maganda siguro kung in writing o kaya verbally sabihin ng Kongreso," ani Poe sa isang pahayag.

"Hindi naman 'yan nakasulat sa batas. 'Yan ay kortesiya lamang na ibinigay ng Kongreso at [National Telecommunications Commission]," sabi ng senadora.

Binitiwan ni Poe ang pahayag kasunod ng pagsabi ni House Speaker Alan Peter Cayetano na hindi ganoon ka-“urgent” ang mga panukala sa prangkisa, lalo at puwede namang mag-operate ang network hanggang matapos ang 18th Congress kahit mag-expire ang franchise.

Sa isang pahayag, sinabi naman ni Isabela Rep. Tonypet Albano ng House legislative franchises committee na maaari pang dinggin ang renewal ng ABS-CBN sa buong termino ng 18th Congress.

Sa ngayon, marami pa raw kasing mas mahalagang bagay na dapat pagtuunan ang Kongreso.

Iginiit din ni Albano na magiging patas ang Kongreso sa pagdinig ng franchise renewal at hindi sila mababraso ni Duterte.

Nakatakdang mapaso ang prangkisa ng network sa Marso. Hindi naman bababa sa 11 panukala na may layong i-renew ang franchise ng ABS-CBN ang nakabinbin sa Kamara.

PRESS FREEDOM HINDI ARGUMENTO

Samantala, sinabi naman ng isang political analyst na hindi dapat gamiting argumento ang press freedom o malayang pamamahayag sa usapin ng pag-renew ng Kongreso sa prangkisa ng ABS-CBN.

Ayon kay Ramon Casiple ibang usapin ang kalayaan sa pamamahayag sa paggamit ng radio frequency. 

“May isyu nga ba? Kailangan depensahan ng ABS-CBN ‘yan. Ang proper forum niyan ay ang Kongreso,” dagdag niya.

Magugunitang dati nang binabatikos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ABS-CBN dahil sa umano ay pagtanggi ng kompanya na iere ang kaniyang campaign advertisement noong 2016 halalan.

Nagbanta rin noon ang pangulo na haharangin ang pag-renew ng franchise ng network.

Itinuturing ng ilang rights group at press freedom advocates ang pagharang sa renewal ng franchise bilang pag-atake sa malayang pamamahayag. 

Ilang sunod-sunod na linggo na ring nagdaos ng mga pagtitipon ang iba’t ibang grupo para suportahan ang franchise renewal ng network at ipagtanggol umano ang malayang pamamahayag.

Bukod sa kawalan ng aksyon sa Kongreso na galawin ang mga panukalang batas, hiniling din ni Solicitor General Jose Calida sa Korte Suprema na ipawalang bisa ang prangkisa ng network dahil sa ilang nakikita niyang paglabag.

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.