Lalaki patay sa pamamaril sa Davao

Claire Conelio, ABS-CBN News

Posted at Feb 16 2020 11:46 PM

DAVAO CITY - Patay sa pamamaril ang isang lalaki sa Barangay 14-B, Davao City Linggo ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Gerald Cajegas, 34 anyos. Ayon sa tiyahin ng biktima na nakakita sa krimen, naghahakot ng kahoy si Cajegas papasok sa kanilang bahay nang pumasok din ang salarin at pinagbabaril ito ng tatlong beses sa katawan.

Dinala pa sa ospital ang biktima pero binawian din ng buhay.

"Pagsigaw ko ng Gerald, pumutok na tapos natumba na siya, pagtumba niya binaril na naman siya," ani Irene Mijares, tiyahin ng biktima.

Sa paunang imbestigasyon, posibleng personal na away ang motibo sa krimen dahil baka umano may nakaaway sa sugal ang biktima.

"Wala namang ibang rekord ang biktima na drug-related, sabi ng misis na sugal lang talaga ang bisyo ng kaniyang asawa," ani Police Lieutenant Jerry Acid ng Sta. Ana Police.

Nagsagawa na ng manhunt operation ang Sta. Ana Police para matukoy ang pagkakakilanlan ng responsable sa krimen.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.