Medical mission sa Sulu nabulabog ng 3 pagsabog

ABS-CBN News

Posted at Feb 16 2019 02:27 PM | Updated as of Feb 16 2019 03:10 PM

PATIKUL, Sulu – Tatlong malalakas na pagsabog ang bumulabog sa mga residente ng Barangay Tanum sa nasabing bayan, Sabado ng tanghali.

Naganap ang mga pagsabog habang nagsasagawa ng medical mission ang 11th Infantry Division ng Philippine Army sa Tanum Elementary School para sa displaced civilians na apektado ng opensiba ng militar laban sa bandidong Abu Sayyaf.

Nagpulasan umano ang mga tao nang makarinig ng malalakas na pagsabog alas-12:30 ng tanghali sa kabundukan ng Patikul.
 
Nagtulong-tulong naman ang awtoridad para maiwasang may masaktan sa naganap na takbuhan sa quadrangle ng paaralan.

Ayon kay Lt. Col. Diosdado Pambid ng 6th Division Special Forces Battalion, ang mga pagsabog ay mortar shelling na nagmula sa Abu Sayyaf group. 

Matatandaang 2 linggo lang ang nakakaraan nang magkabakbakan ang mga militar at Abu Sayyaf sa bayan, kung saan patay ang 5 sundalo at tatlong bandido. 

Ang engkuwentro ay nangyari matapos maglunsad ng operasyon ang militar upang mahuli ang Abu Sayyaf leader na si Hajan Sawadjaan, na pinaniniwalaang nasa likod ng mga pagsabog sa Jolo Cathedral noong Enero. 

Nasa 22 ang namatay at higit 100 ang sugatan sa magkasunod na pagsabog sa gitna ng isang misa sa simbahan ng Jolo noong umaga Jan. 27. Pinaniniwalaang mag-asawang Indonesian suicide bombers ang nasa likod nito at tinulungan ng Abu Sayyaf group. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.