Ilang pasahero, nagpalipas ng gabi sa NAIA 3 dahil sa mga kanseladong flight

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Feb 16 2019 10:59 PM

Naghintay ng kapalit na flight ang ilang pasahero sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 matapos makansela ang 12 international at 25 domestic flights sanhi ng pagpapaayos ng runway sa paliparan. Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

MAYNILA – Nagpalipas ang ilang pasahero ng Cebu Pacific at CebGo sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 para maghintay ng panibagong flight matapos makansela ang 12 international at 25 domestic flights nitong Biyernes dahil sa patuloy na pagpapaayos ng runway sa paliparan.

Sinalubong ng 41 anyos na si Malyn Pumariga ang kaniyang kaarawan Sabado sa NAIA 3. Alas-11 ng gabi Biyernes ang lipad sana niya at ng 5 kaopisina patungong Cebu para mag-hiking nitong weekend. 

Miyerkoles pa lang nakatanggap na siya ng text mula sa Cebu Pacific na kanselado ang flight nila para sa Biyernes pero pumunta pa rin sila para mag baka sakali. Dahil nabigo, pinili na lang nilang matulog sa terminal bago ang flight nila na paalis alas-7 pa ng umaga. 

"Wala silang sinabing reason kung bakit nila kinansel, basta sabi nila may bagong schedule," sabi niya. 

"Naka-set na yung itinerary namin. Nasayang na 'yung half-day namin."

Normal naman ang sitwasyon sa terminal noong madaling-araw at hindi na rin tumuloy ang karamihan sa mga apektadong pasahero. 

May ilang flights naman noong madaling-araw na inanunsiyong mahuhuli ng oras, pero bukod doon walang delay sa ibang flights ng Cebu Pacific.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.