OFW sa freezer, naiuwi na; 'distressed' OFWs, dagsa sa POLO sa Kuwait

ABS-CBN News

Posted at Feb 16 2018 11:05 PM | Updated as of Aug 28 2019 01:12 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dumating na sa bansa nitong Biyernes ang mga labi ng Pinay household worker na si Joanna Demafelis na natagpuang patay nito lamang buwan sa loob ng isang freezer sa Kuwait. 

Samantala, dumagsa ang mga Pinoy na nagpapasaklolo sa embahada sa Kuwait. Aabot sa 650 'distressed' na household service workers (HSW) ang nasa shelter: ang pinakamataas na bilang na naitala roon. 

Bumuhos ang hinagpis ng mga kapatid ni Demafelis na sina Joejet at Jessica Demafelis, lalo't laman ngayon ng kanilang isip ang hirap na dinanas ng kapatid base sa narinig nilang inisyal na resulta ng autopsy.

"Matindi ang ginawa sa kapatid ko sa freezer," humahagulgol na sabi ni Jessica. 

"Sana po mabigyan ng hustisya ang aking kapatid," ani Joejet.

Sa inisyal na impormasyon ng Ministry of Interior forensic team, bali ang tadyang, may mga pasa sa katawan, at nagkaroon ng internal bleeding si Demafelis, mga indikasyon na binugbog ito kaya namatay.

Hinala ng kaniyang pamilya, nagalit ang amo nito nang magplano itong umuwi ng Pilipinas.

Posible namang personal na makiramay si Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), P550,000 na financial, livelihood, at educational assistance ang tiyak nang matatanggap ng pamilya Demafelis.

Iniutos naman ni Labor Secretary Silvestre Bello III na i-recall ang Philippine Overseas Labor Office (POLO) OWWA welfare officer sa Kuwait na si Sarah Concepcion.

Ito'y matapos mabigo si Concepcion na aksiyonan ang paghingi ng tulong ng pamilya Demafelis para hanapin at ma-rescue si Joanna sa loob ng isang taon.

Depensa ni Concepcion, simula pa 2016 ay humihiling na ng dagdag na staff ang OWWA Kuwait dahil sa dami ng kanilang trabaho.

Ayon sa Department of Labor and Employment, tuloy-tuloy pa ang kanilang imbestigasyon kaya posibleng madagdagan pa ang mga tauhan na mare-recall o matatanggal sa puwesto.

Sa ngayon ay pinaghahanap pa rin ang mga suspek sa pagpatay kay Demafelis.

Sa Sabado nakatakdang iuwi sa Sara, Iloilo ang mga labi ng pinaslang na overseas Filipino worker.

Mga distressed OFW sa Kuwait, dagsa sa POLO-OWWA shelter

Watch more in iWant or TFC.tv

Biglang dumami ang mga distressed HSW sa Kuwait na tumatakbo sa POLO-OWWA shelter at nagpapa-rescue sa embahada.
 
Dati'y lima hanggang pito lang ang tumatakbo sa shelter kada araw pero nang magka-amnesty, umaabot na ito sa higit 50 kada araw. 

Karamihan sa kanila, gustong humabol sa 72 hours na ibinigay ni Duterte sa mga gustong umuwi. 

Nababahala naman ang POLO-OWWA sa pagdami ng mga tumatakas.
 
"[Ang pagdagsa ay] based on the mistaken notion na masasama sila sa amnesty. Ang amnesty po ay ibinigay ng gobyerno ng Kuwait para do'n sa tumakas o kaya nag-abscond, kinasuhan ng absconding ng kanilang amo, o kaya nag-expire ang kanilang mga visa bago mag- January 24, 2018," paliwanag ni Atty. Alejandro Padaen, labor attache sa Kuwait.
 
Dagdag ni Padaen, may mga ilan din na maski wala namang problema sa kanilang mga amo ang tumatakbo dahil sa inanunsiyo ng Pangulo.
 
Sa ngayon, abot na sa 650 distressed HSWs ang nasa shelter. Ito na ang pinakamataas na bilang na naitala ng POLO sa Kuwait.

Higit 100 OFW na nag-avail ng amnestiya, dumating mula Kuwait

Watch more in iWant or TFC.tv

Samantala, higit 100 OFW rin ang dumating sa bansa mula Kuwait, bunsod ng pagbibigay ng amnestiya ng Kuwaiti government.

Marami sa kanila ay mga illegal worker, nag-overstay o di naman kaya'y tumakas mula sa kanilang mga employer. 

Isang biyayang maituturing ng mga ilegal na OFW ang amnestiya kung saan makauuwi sila nang walang multa o parusa. 

Ayon sa OWWA, nasa 1,109 na OFW na ang nakauwi ng Pilipinas at inaasahang daan-daan pa ang susunod dito. 

Nangako naman ang pamahalaan na tutulungan ang mga uuwing OFW. 

"We will give P5,000 assistance at may livelihood program din para sa gustong mag-avail," ani Arnell Ignacio, deputy administrator ng OWWA.

Hinihikayat din nila na magpalista ang mga ilegal na Pinoy worker sa labor office ng Pilipinas sa Kuwait, dahil hanggang Pebrero 22 na lang ang inaalok na amnestiya ng Kuwaiti government. 

Tinatayang may higit 250,000 na OFW sa Kuwait na ang karamihan ay household service workers. 

--Ulat nina Zen Hernandez, Apples Jalandoni, at Maxxy Santiago, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.