Eroplano ni Quiboloy, hawak ng US: report

ABS-CBN News

Posted at Feb 16 2018 12:10 PM | Updated as of Sep 19 2018 05:35 PM

Nananatili sa Honolulu ang pribadong eroplano ni Kingdom of Jesus Christ founder Apollo Quiboloy matapos na madiskubre sa loob nito ang libu-libong halaga ng dolyar at mga parte ng baril sa Hawaii.

Ayon sa ulat ng Hawaii News Now, tinatrabaho na ng US federal government na makumpiska ang Cessna Citation Sovereign plane ni Quiboloy.

Ang nasabing eroplano ay tinatayang nagkakahalaga ng $15-milyon.

Nakauwi si Quiboloy sa Pilipinas sakay ng commercial flight Huwebes ng gabi makaraang ilang oras madetine umano sa Hawaii.

Iginiit ng kanyang kampo na walang nilabag na batas sa US si Quiboloy. Wala rin umano ikinaso laban sa pastor.

"Pastor Apollo Quiboloy was not detained, he was not charged, he was not in jail. There was no violation of any US law,"ani Israelito Torreon, tagapagsalita ng pastor, sa panayam sa ANC.

Dagdag niya, hindi na rin kailangang pag-usapan ang tungkol sa eroplano ni Quiboloy dahil nakauwi na ang pastor sa Pilipinas.

"There is no need to talk about that (plane) because he is already here in the Philippines. That should be put to rest. That matter is being handled in the United States of America," aniya.

SINO SI FELINA SALINAS?

Ang tanging US Citizen sa loob ng eroplano na si Felina Salinas ang inaresto at sinampahan ng kasong attempted bulk cash smuggling.

Ang 47-anyos na si Salinas ng Makakilo, Hawaii, ay umamin umanong kanya ang natagpuang pera sa eroplano.

Sa ilalim ng federal law, ang sinumang maglalabas ng higit sa $10,000 sa bansa ay kinakailangang ideklara ito.

Ngunit, halagang $40,000 lamang umano ang idineklarang dalang cash ni Salinas.

Agad naman siyang pansamantalang nakalaya matapos na makapagbayad ng $25,000 na piyansa.

Nakatakda siyang muling humarap sa korte sa Pebrero 27.

Si Salinas ang business manager ng lokal na branch ng simbahan sa Waipahu.

Palipad na sana ang eroplanong lulan ni Quiboloy at limang iba pa nang biglang inspeksiyunin ng Customs and Border Enforcement Agents.

Dito nakita ang undeclared $350,000 cash na tig-$100 na itinupi at inilagay sa medyas bago itinago sa isang suitcase.

Si Quiboloy ay kilala bilang isa sa mga masugid na taga-suporta ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Noong 2016, ipinahiram pa niya ang kanyang eroplano at helicopter kay Duterte sa pangangampanya nito sa pagka-pangulo.

Nagkalabuan umano ang relasyon ng dalawa nang manalo si Duterte. Hindi umano pinansin ni Duterte ang mga nais na iupo ni Quiboloy sa gabinete nito.