'Lider' ng gun-for-hire group patay sa Quezon; 2 iba arestado

ABS-CBN News

Posted at Feb 15 2019 06:19 PM

Patay ang lalaking lider umano ng isang robbery-hold-up at gun-for-hire group matapos makaengkuwentro ng mga pulis sa Tayabas City, Quezon ngayong Biyernes. 

Kinilala ang napatay na si Rex Borrinaga o alyas "Burdado" na lider umano ng Burdado Robbery and Hold-up group sa Diversion Road sa Barangay Isabang. 

Ayon sa Philippine National Police sa Quezon, namataan si Burdado at ang isa nitong kasamahan na naglalakad malapit sa isang subdivision. Nakatakas ang kaniyang kasamahan sa engkuwentro.

Narekober kay Borrinaga ang isang baril at bag na naglalaman ng mga bala. 

Arestado naman ang iba pang kasamahan ni Borrinaga na sina Virgilio Fontilar o alyas "Tilyo" at Arminido Ormacido o alyas "Mindo" sa isang follow-up operation. Nakuha sa mga ito ang isang baril.

Ayon kay Quezon Province police director Senior Superintendent Osmundo De Guzman, may binabalak umanong itumba ang grupo bago mangyari ang engkuwentro. 

Pinaniniwalaan din na ang grupo ang nasa likod ng iba pang mga kaso ng pagpatay at panghoholdap sa Quezon Province. 

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.