Higit 3,000 Hanjin workers nagpapasaklolo sa gobyerno

ABS-CBN News

Posted at Feb 15 2019 06:49 PM | Updated as of Feb 15 2019 11:54 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Itinigil na nitong Biyernes ng kompanyang Hanjin Heavy Industries and Construction Philippines ang operasyon nila sa paggawa ng mga barko matapos ianunsiyo ang kanilang pagkakabaon sa utang sa mga lokal na bangko.

Enero 8 nitong taon nang maghain sa korte ng application for rehabilitation at bankruptcy ang Hanjin.

Bagama't may maiiwan umanong skeletal force na higit 100 ay opisyal nang walang trabaho ang nasa mahigit 3,000 manggagawa.
    
Pero ayon sa mga manggagawa, matagal nang sinimulan ang pagbabawas sa kanilang hanay.
    
Kaya ang dating trabahador ng Hanjin na si Rasty Esperas, nagtitinda na lang muna ng isda mula nang mawalan ng trabaho.

"Tulungan po sana kami ng gobyerno," pakiusap ni Esperas.

Panawagan ngayon ng Hanjin Workers Association ang ayuda gaya ng pera, pagkain, at bigas.
    
Sumubok kasi ang mahigit 2,000 sa kanila sa jobs caravan ng pamahalaan noong Pebrero 9 pero 99 lang ang hired on the spot.

"Kailangan po namin ng emergency relief assistance," ani Robert Campos, tagapagsalita ng asosasyon.

Ayon naman sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA), malaking kawalan ang Hanjin na dating nagluklok sa Pilipinas bilang ika-5 pinakamalaking shipbuilding country sa mundo.

"For the Philippines, it means we will not be the 5th biggest shipbuilding country anymore. For SBMA and the surrounding communities, we will lose the economic contribution of the workers and suppliers," hinaing ni SBMA administrator Wilma Eisma.

Sa kasalukuyan, may mga usapin na rin ng takeover pero wala pang linaw kung ano ang kahihinatnan ng Hanjin.

—Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.