2 batang papasok sa eskuwela, nasagasaan sa pedestrian lane sa CamSur

Rizza Mostar, ABS-CBN News

Posted at Feb 15 2019 06:16 PM

Dead on arrival sa pagamutan si Noemi Grace Sierra habang 5 oras ang lumipas nang bawian din ng buhay ang ka-eskuwelang si Keith Xyron Erespi matapos silang mabangga ng kotse habang tumatawid sa pedestrian lane papasok ng paaralan.


BAAO, Camarines Sur – Dalawang bata ang namatay matapos na mabangga ng isang sasakyan habang tumatawid papasok ng paaralan, Huwebes.

Dead on arrival si Noemi Grace Sierra habang binawian naman ng buhay makalipas ang 5 oras ang ka-eskuwela nitong si Keith Xyron Erespi.

"Sabi niya gusto niyang maging fashionista, masipag, mabait," ayon kay Andessa Sabularse, ina ng Grade 1 student na si Erespi.

Sa Valentine's Day card na ginawa ni Erespi, inilagay niya doon na nais niyang mabigyan ng maginhawang buhay ang pamilya.

Tumatawid ang dalawang bata sa pedestrian lane papasok sa paaralan sa Buluang, Baao nang mabangga ng kotse. Tumilapon pa ang dalawang bata mula sa tawiran.

"'Pag may sasakyan hindi siya tumatawid… marunong na siya, ‘yun lang kahapon kasi nag-overtake,” sabi ng lolo ni Sierra na si Lem Sierra.

Sa imbestigasyon ng pulisya, matulin ang patakbo ng driver na si Rommel Asaytuno, 30. Galing Naga at papunta sana siyang Legazpi, Albay gamit ang sedan ng amo.

Labis naman ang hinagpis ng pamilya ng mga biktima.

"Dapat sabi ko nag-iingat kayo kasi kayo 'yung mga driver, hindi niyo na maibabalik ang buhay ng anak namin," sabi ng ina ni Erespi.

Two counts of homicide ang ikinaso kay Asaytuno.

Aral naman para sa opisyales ng barangay ang nangyaring aksidente dahil hindi na nagbantay ang mga tanod doon mula nang hindi na masuwelduhan ng Parent-Teacher's Association ng paaralan.

"Masakit po sa amin, wake-up call po na kailangang gawin ang dapat kasi nandito kami para mag-serbisyo," sabi ni Punong Barangay Alan Bolo.

Ayon naman sa ibang residente at namatayang pamilya, kusang-loob na lang sana bilang opisyal ng barangay na tulungan ang mga bata sa kanilang lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.