Babae, sinaksak ng kinakasama nitong Valentine's Day

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Feb 15 2017 05:31 PM

DAGUPAN CITY - Patay ang isang babae matapos siyang saksakin ng kanyang kinakasama sa loob ng kanilang bahay sa Bagong Barrio sa Barangay Bonuan Gueset sa Dagupan City, Martes.

Napatay ng 66-taong gulang na suspek ang kanyang 51-taong gulang na live-in partner na si Rosalinda Silba na tubong Cebu.

Dalawang taon pa lamang nagsasama ang dalawa at sa pagpapalitan ng text messages nabuo ang kanilang relasyon.

Ayon sa suspek, naghinala siya nang mapansing madalas na may ka-text si Silba.

Aminado din siya na madalas silang magtalo ng ka-relasyon pero hindi raw niya ito sinasaktan.

Ngunit nitong Araw ng mga Puso o Valentine's Day, hindi na raw kinaya ng suspek ang pagtataksil ni Silba.

Tinangka pang tumakbo ni Silba nang magtalo sila ng suspek ngunit nang mahabol siya nito ay inundayan na siya ng suspek ng saksak sa dibdib.

Labis ngayon ang pagsisisi ng suspek, lalo na't mahal na mahal daw niya si Silba.

Nagtangka pang tumakas ang suspek ngunit naharang siya ng mga kapitbahay.

Haharapin ng suspek sa korte ang kasong pagpatay.