Maria Ressa ng Rappler nagpiyansa sa kasong cyber libel

ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2019 12:48 PM | Updated as of Feb 14 2019 09:24 PM

Nagpalipas ng magdamag sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Maynila si Maria Ressa ng news website na Rappler makaraang arestuhin noong Miyerkoles dahil sa kasong cyber libel. Basilio H. Sepe, ABS-CBN News

(UPDATED) Nakapagpiyansa ngayong Huwebes ang pinuno ng news website na Rappler na si Maria Ressa matapos arestuhin dahil sa kasong cyber libel.

Hinuli ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa opisina ng Rappler sa Pasig si Ressa noong hapon ng Miyerkoles dahil sa reklamo ng negosyanteng si Wilfredo Keng.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagpalipas ng magdamag sa opisina ng NBI sa Maynila si Ressa dahil sarado na ang mga korte nang hinuli ang beteranong mamamahayag at tanggihan din ng night court sa Pasay City ang kaniyang piyansa.

Para kay Ressa, ang kaniyang pinagdaanan ay isang halimbawa ng pang-aabuso ng gobyerno sa kapangyarihan nito.

"This is not just about me, and it is not just about Rappler. The message the government is sending is very clear and someone actually told our reporter this — be silent," sabi ni Ressa matapos magpiyansa.

"I'm saying and appealing to you not to be silent, even if and especially if you're next," dagdag ni Ressa.

Sa halagang P100,000 nakapagpiyansa si Ressa sa Manila Regional Trial Court Branch 46.

Kukuwestiyunin ng kampo ni Ressa sa korte ang kasong cyber libel na inihain laban sa kaniya, ayon sa kaniyang abogadong si JJ Disini.

Sa Marso 1 nakatakda ang arraignment ng kaso kung saan aalamin ng husgado kung may basehan ba ang reklamo.

Nag-ugat ang reklamo sa artikulo na inilathala ng Rappler ukol kay Keng, na nagsasabing nagparenta umano ang negosyante ng mga sasakyan kay dating Chief Justice Reynato Corona. Nabanggit din sa ulat na sangkot si Keng sa mga ilegal na aktibidad.

Nagreklamo si Keng sa Rappler pero hindi umano binago o tinanggal ng Rappler ang kanilang storya nang makiusap sila noong 2016.

Kasama rin sa kaso ang dating Rappler reporter na si Reynaldo Santos Jr.

Taong 2017 nang magsampa ng cyber libel si Keng na ibinasura ng NBI noong 2016 pero binuhay uli matapos umapela si Keng.

Pero depensa ni Ressa, hindi pa naisasabatas ang Cybercrime Prevention Act nang mailathala ang artikulo kaya hindi ito dapat sakop ng batas.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa hiwalay na panayam ng "TV Patrol" kay Ressa, pinabulaanan nito ang paratang na hindi nila pinagbigyan ng pagkakataon si Keng na magbigay ng panig kaugnay sa artikulo.

"It's very clear that our editorial processes gave him a chance to speak," ani Ressa.

Watch more in iWant or TFC.tv

PAG-ARESTO, UMANI NG PAGKONDENA

Umani ng pagkondena ang ginawang pag-aresto kay Ressa.

Ayon sa iba't ibang grupo ng mga mamamahayag, panggigipit ng administrasyong Duterte at atake sa malayang pamamahayag ang nangyari.

Ayon sa chief international anchor ng CNN na Christiane Amanpour, desperado ang isang gobyerno na umaaresto ng mamamahayag.

"You know a government is desperate when they arrest a journalist," sabi ni Amanpour sa isang tweet.

Tinawag namang "outrageous" ni dating United States Secretary Madeleine Albright ang pag-aresto. Nanawagan din siya ng suporta para sa malayang pamamahayag.

"The arrest of journalist @mariaressa by the Philippine government is outrageous and must be condemned by all democratic nations," sabi ni Albright sa tweet.

"I’m proud to call her a friend and to stand with her in defending the principles of a free press," dagdag niya.

Para naman sa National Union of

"I’m proud to call her a friend and to stand with her in defending the principles of a free press," dagdag niya.

Para naman sa National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), walang kahihiyang panggigipit ng isa umanong "bully government" ang pag-aresto kay Ressa.

"The arrest of ... Ressa on the clearly manipulated charge of cyber libel is a shameless act of persecution by a bully government," sabi ng NUJP sa pahayag.

Iginiit naman ng Center for Media Freedom and Responsibility na ang paghain ng reklamong cyber libel ilang taon matapos gawin ang istorya at kung kailan wala pang batas ukol sa cyber libel, at ang paghain ng arrest order sa oras na sarado na ang korte ay patunay umano sa pagmanipula ng gobyerno sa batas.

Pero ayon sa Palasyo, walang kinalaman ang pag-aresto sa press freedom.

"That has nothing to do with freedom of expression or freedom of the press. The past administrations regardless of who commits any crime, she or he will be charged in a court of law," sabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo.

Itinanggi naman ng NBI na nang-harass sila ng ibang tauhan ng Rappler.

Ukol naman sa oras ng pag-aresto, nilinaw ni NBI Cybercrime Division chief Vic Lorenzo na natanggap lamang nila ang warrant noong tanghali at nagbakasaling pumunta sa opisina ng Rappler ng hapon.

Nagsalita rin ang abogado ni Keng at sinabing walang kinalaman sa press freedom ang kanilang reklamo.

-- Ulat nina Niko Baua, Johnson Manabat, at Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.