Lalaki 'nanunog ng 2 bahay' arestado sa Makati

ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2019 06:02 PM | Updated as of Feb 14 2019 08:34 PM

Naaresto ngayong Huwebes ang isang lalaki na sinasabing nanunog umano ng dalawang bahay sa Makati City.

Kinilala ni Senior Superintedent Rogelio Simon, hepe ng Makati police, ang suspek bilang si Jhayson Camposano.

Watch more in iWant or TFC.tv

Si Camposano raw ang nagsimula ng apoy na tumupok sa dalawang bahay sa may H. Santos Street, Barangay Tejeros nitong umaga ng Huwebes.

Posibleng nantrip lang ang suspek sa panununog matapos gumamit ng droga, ani Simon.

May mga testigong nakakakita kay Camposano na pabalik-balik sa lugar bago magsimula ang sunog. Binantaan din daw ng suspek ang mga testigo na ikukulong sa susunuging bahay.

Ginagawa raw puwestuhan ni Camposano sa paggamit ng droga ang katabing bahay kung saan nagkasunog, ayon sa Makati police.

Labas-masok ang suspek sa kulungan dahil sa mga kasong may kinalaman sa droga, akyat-bahay at snatching, sabi ni Simon.

Nahaharap ang suspek sa mga kasong arson at paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.


--Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.